Ivana Alawi niregaluhan ng bahay sa Alabang na nagkakahalaga ng P400-M?
“AYON sa aking source ay may bahay si Ivana Alawi sa Ayala, Alabang (worth) P400 million,” ang bungad ni Nanay Cristy Fermin sa vlog nitong “Showbiz Now Na” kasama sina Wendell Alvarez at Romel Chika.
Nasabi rin ni ‘Nay Cristy na puwedeng pabulaanan o itanggi ni Ivana ang kuwento ng kanyang source tungkol sa bahay nito sa Ayala Alabang na nagkahahalaga ng P400 million.
“Ibig sabihin halos kalahating bilyon na (ang bahay) at hindi natin kinukuwestiyon ‘yan kung magkaroon man si Ivana ng ganyan dahil naghihirap naman ‘yung tao sa pagba-vlog di ba?” saad ng veteran host.
Malaki raw ang kinikita ni Ivana sa kanyang YouTube channel at kayang-kaya nitong magpatayo ng malaking bahay. Marunong ding mag-share ng blessings ang aktres at marami rin siyang natutulungan.
Baka Bet Mo: Heaven, Marco nag-presscon sa loob ng umaandar na bus ‘from QC to Alabang’
“Kaya lang bakit ayon sa aking source ay hindi naman daw diyan (kita sa YT) nagmula ang ipinagpatayo ng bahay?
“Bakit pumapasok sa eksena itong mansion worth P400 million sa Ayala Alabang ang pangalan ni Mayor Albee Benitez (ng Bacolod City)?
View this post on Instagram
“Di ba nakita sila sa Japan (February 10, 2024) ‘yung sa airport di ba? Kahit idinenay nila ay alam na ng mga kababayan natin na si Ivana at si Mayor Albee sinabi nagkataon lang na nakita sa biyahe, pero hindi namatay ang isyu na iyon ha, mula noon hanggang ngayon,” tuluy-tuloy na kuwento ni ‘Nay Cristy.
Dagdag pa, “At heto na, nasaan ngayon si Mayor Albee at si Ivana? Maraming kapwa Pilipino natin ang nakakita sa kanila sa Amerika, babalik siguro sila after New Year na, ganu’n.”
May nagkuwento naman sa amin noon pa na nakikita si Ivana sa Corona, City of California, USA na tila may kaanak daw doon.
Ang balita pa ni ‘Nay Cristy, nasa pangalan ni Ivana ang bahay niya sa Ayala Alabang, “Sabi ng aking source na puwedeng i-deny ay inilagay sa pangalan ni Ivana Alawi ‘yung bahay.”
“Iniregalo sa kanya ‘yung bahay?” tanong ni Romel Chika.
“Oo, kasi kung siya naman ang nagpagawa ay natural na sa pangalan naman niya talaga iyon (ilagay) pero bakit ang term na ginamit (ng source) ay ‘inilagay sa pangalan ni Ivana Alawi ang bahay, ang mansion na ito,’” kuwento pa ni ‘Nay Cristy.
Sundot naman ni Wendell, tama lang na ilagay sa pangalan ng aktres kung ito ay iniregalo o bigay na sa kanya at para mapatunayang kanya ay kinailangang nasa pangalan nga naman ito ng dalaga.
Hirit pa ni Nanay Cristy, “Kaya lang may pananagutan pa si Mayor, on-going pa iyong annulment (ng wife niyang si Nikki Benitez). E, alam naman nating si Mayor Javi (Benitez ng Victorias City) ay kamping-kampi sa nanay at sila ang magkasamang nagdiwang ng Pasko, silang magkapatid (Bettina Benitez) kasama ang mommy nila (ipinakita ang larawan). Paano kaya hinaharap ni Ivana ‘yung sitwasyon na ganito?”
Sabi pa ni Romel Chika, “Oo nga, ‘yung bigyan ka ng worth na P400 million na bahay, iba ‘yun espesyal ka talaga no’n kung ganu’n kalaki.”
“Oo at hindi ibibigay sa iyo ‘yun kung hindi ka talaga malapit sa puso, hindi ba?” sabi naman ni ‘Nay Cristy.
Bukas ang BANDERA sa panig nina Mayor Albee Benitez at Ivana Alawi tungkol sa isyung ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.