MMFF 2024 entry na ‘Topakk’ nina Arjo at Julia may 2 version, aprub sa MTRCB
DALAWANG version ng “Topakk” nina Arjo Atayde at Julia Montes ang mapapanood sa darating na Metro Manila Film Festival 2024 na magsisimula na sa December 25.
Ayon sa producer ng pelikula na si Sylvia Sanchez, nagdesisyon silang gumawa ng R-16 at R-18 version para mas lumawak ang audience na makakapanood sa una nilang MMFF movie.
Paliwanag ng award-winning actress na producer na rin ngayon, kailangan nilang bawasan ang mga hardcore action scenes sa “Topakk” para makakuha ng magandang classification at rating mula sa MTRCB.
“Dalawa ang ratings ng Topakk. Isang R-16 at isang R-18. R-16 para makapasok kami sa SM (cinemas). Tapos R-18 doon sa mga hindi SM (cinemas),” esplika ni Sylvia sa naganap na grand mediacon ng “Topakk” kagabi.
Pero nilinaw niya na kahit binawasan ng ilang madudugo at bayolenteng eksena ang kanilang entry sa 50th edition ng MMFF mula sa direksyon ni Richard Somes ay buong-buo pa rin ang kuwento at hindi nag-suffer ang ganda at kalidad nito.
Dagdag pa ni Ibyang na talagang aligagang-aligaga sa pag-estima sa lahat ng press at vloggers na um-attend sa grand presscon ng “Topakk”, iba rin ang ipinalabas nilang Director’s Cut sa sinalihan nilang mga international film festivals.
Ipinalabas na ang movie sa Cannes, Italy, Locarno, Switzerland at Austin, Texas kung saan umani nga ito ng papuri.
Iikot ang kuwento ng “Topakk” sa buhay ng dating special forces agent (Arjo) na nagkaroon ng post-traumatic stress disorder (PTSD) at mai-involve sa karakter ni Julia na hinahanting ng corrupt police death squad na nasa likod din ng isang drug cartel.
“I don’t wanna spoil pero nagkasugat-sugat. May mga hiwa-hiwa. May mga pasa. Thank God, hindi nabalian ng buto,” ang pahayag ni Arjo.
“We have a very important message to send sa audience. Very interesting ‘yung story kaya ang hirap mag-no kay direk Richard.
“It’s a very well thought of concept by direk Richard. I’m just lucky to be on board, to be doing a project with Direk Richard,” saad pa ng aktor at public servant.
At bilang paghahanda sa kanyang super challenging na karakter, “I watched videos sa YouTube about people suffering from PTSD. I studied my role. Nung binigay sa akin ang role, I told direk na mag-send ng videos sa akin and I watched them bago matulog.
“‘Yun ang assignment ko. At least once a day, either day or night, make sure to watch these videos,” sabi pa ng kongresista.
Kasama rin sa “Topakk” sina Enchong Dee, Sid Lucero at Julia Montes with Paolo Paraiso, Cholo Barretto, Jeffrey Tam, Maureen Mauricio, Anne Feo at marami pang iba.
Showing na ang “Topakk” sa mga sinehan nationwide simula sa December 25 hanggang January 7, bilang bahagi ng MMFF 2024.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.