Bilin ni VP Sara: Kapag pinatay ako, patayin mo si BBM, si Liza Araneta
ISANG “active threat” ang ginawang pagbabanta ni Vice President Sara Duterte sa buhay ni Pangulong Bongbong Marcos.
Iyan ang paglalarawan ng Malacañang sa sinabi ni VP Sara kahapon na may kinausap na siyang tao para patayin si PBBM pati na ang asawa nitong si First Lady Liza Marcos at pinsang si Speaker Martin Romualdez, kapag namatay daw siya.
Sa statement ng Presidential Communications Office (PCO), nabanggit na ipinaalam na ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang pagbabanta ni Duterte sa Presidential Security Command para sa kaukulang aksyon.
“Acting on the Vice President’s clear and unequivocal statement that she had contracted an assassin to kill the President if an alleged plot against her succeeds, the Executive Secretary has referred this active threat to the Presidential Security Command for immediate proper action,” ayon sa Palasyo.
Baka Bet Mo: VP Sara Duterte sa kinaroroonan ni Pastor Quiboloy: Nasa langit!
View this post on Instagram
“Any threat to the life of the President must always be taken seriously, more so that this threat has been publicly revealed in clear and certain terms,” dagdag pa.
Binitiwan ni VP Sara ang matindi at matapang niyang pahayag laban kina PBBM sa isang online presscon kasama ang kanyang chief of staff na si Atty. Zuleika Lopez.
Aniya, “May kinausap na ako na tao. Sinabi ko sa kanya, ‘Kapag pinatay ako, patayin mo si BBM, si Liza Araneta, at si Martin Romualdez.’ No joke, no joke.
“Nagbilin na ako. Kapag namatay ako, sabi ko, ‘Huwag kang tumigil ha, hanggang hindi mo mapatay sila.’ And then he said yes,” aniya pa.
Nauna nang iniutos ang pag-detain kay Lopez sa House of Representatives matapos ma-contempt sa naganap na hearing ng House panel hinggil sa umano’y “misuse of public funds” sa Office of the Vice President.
Kasunod nito, iniutos din ang paglilipat kay Lopez sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City ngunit hinarang ito ni VP Sara na nanindigang mananatili siyang abogado ng kanyang chief of staff.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.