Jhai Ho DJ at host na, teacher pa; pinagpapala dahil walang inaapakan
MUKHANG tuluyan nang hindi makadadalo ng mga mediacon si DJ Jhai Ho dahil sa isang araw ay dalawang beses na siyang napapakinggan sa radyo at napapanood din sa Kapamilya channel.
Sa huling panayam namin kay DJ Jhai Ho sa mediacon ng radio program nila ni Papa Ahwel Paz na “Showbiz Sidelines” na napapakinggan sa Radyo 630 AM (9 p.m.) ay aminado itong baka hindi na talaga siya makadalo sa mga events.
Prayoridad niya ang programa lalo’t na-miss niya talaga ang radyo kung saan ito ang naging malaking exposure niya bukod sa mga seryeng nilabasan niya sa telebisyon.
Matatandaang umalingawngaw ang boses ni DJ Jhai Ho sa MOR 101.9 at nagsara ito sa panahon ng pandemya, (Mayo 5, 2020) ay bagay na sobrang ikinalungkot nito.
Napanood pa nga namin ang huling paalam niya noon sa programa na talagang umiiyak siya at pinipilit niyang kalmahin ang sarili.
Muli niyang ipinost ang nasabing video noong Mayo 5, 2021 na ang caption ay, “May 5, 2020 sa mismong ganap na 7:45PM na mismong ako ang naatasan sa aking programa na mag sign off ng MOR Philippines.
View this post on Instagram
“Miss na miss kona ang umere sa radyo. SOON babalik tayo at muling maghahatid ng ngiti at good vibes sa bawat mga Radyo ninyo. Hindi tayo nawala at nagsara KaMORkada. PAHINGA lang muna tayo pero BABALIK.”
But life goes on sabi niya kaya dahil naniniwala siyang kapag may nagsara ay maraming magbubukas na oportunidad at totoo naman dahil kaliwa’t kanan ang hosting job niya that time.
Lalo na kapag may event ang pinakamamahal niyang Beautederm President at CEO na si Ms. Rhea Anicoche Tan ay laging siya ang host na talagang mahusay naman talaga si Jhai Ho dahil bukod sa kilala niya ang lahat ng artista kung sino man ang bagong mukha ng nasabing skin care/beauty products ay kilala rin niya ang lahat ng media/vloggers/bloggers na imbitado dahil maganda ang naging relationship nito sa lahat.
At dito rin naikuwento ng host na ginawa na niya ang matagal niyang gustong gawin, ang magturo. Yes, professor si DJ Jhai Ho sa Lyceum of the Philippines sa Manila o LPU at naaliw siya dahil hindi alam ng mga estudyante niya kung “Mam” or “Sir” ang itatawag sa kanya.
Pero sabi niya sa kanyang mga estudyante, “Kung ano ang gusto ninyong itawag sa akin, okay lang, walang isyu sa akin ‘yan.”
At ngayong araw, November 4 ay muling mapapakinggan ang boses ni DJ Jhai Ho na aalingawngaw sa FM radio.
Base post niya sa kanyang Facebook account kaninang umaga, “Good Morning! Sobrang emotional ako dahil today is the DAY! Ang pag sisimula ng FM Radio Philippines (heart light blue and orange emojis) mula sa aking pag sasara ng MOR 101.9 noong May 5, 2020 at ngayon muli akong magbabalik sa FM kung saan nagsimula ang lahat (praying hands emoji) Lord! Para sa iyo po lahat ng ito.
“ABANGAN: 3PM – 6PM po Monday to Friday ang bago kong programa na Banana KREW at 9pm to 10pm pa rin tayo sa Showbiz Sidelines Mon to Fri din sa Radyo 630.”
Kaya sa isang araw ay dalawang beses siyang mapapakinggan mula Lunes hanggang Biyernes. At ang araw ng Sabado ay araw naman ng kanyang pagtuturo kaya Linggo lang ang pahinga niya pero kapag kaya pa ay tatanggap pa siya ng hosting job.
Sabi pa niya sa panayam namin, kapag wala kang ginagawang masama at hindi ka nananapak ng kapwa at higit sa lahat hindi ka nakakalimot sa Diyos ay lagi kang pagpapalain.
Congratulations DJ Jhai Ho!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.