Angelica naoperahan uli: ‘Gusto ko lang makapaglakad, mawala ‘yung pain’
TATLONG buwan matapos ang hip cord decompression surgery, muling sumailalim sa operasyon ang celebrity mom na si Angelica Panganiban.
Ang ginawa naman sa kanya recently ay “hip replacement surgery.”
Ito ay dahil pa rin sa kanyang “avascular necrosis” o “bone death” na ayon sa academic medical center na Mayo Clinic, isang kondisyon na namamatay ang bone tissue dahil sa kakulangan ng suplay ng dugo na maaaring humantong sa maliliit na pagkasira ng buto at maging sanhi ng pagbagsak ng buto.
Sa latest YouTube vlog ni Angelica, ibinunyag niya ang dahilan kung bakit siya nagpaopera ulit.
Unang sinabi ng aktres na plano sana niya itong ipagawa sa Thailand, pero hindi na niya ito itinuloy dahil bukod sa matagal siyang mawawalay sa kanyang anak ay hindi rin ito kaya ng kanilang budget.
“Hindi po kakayanin ng budget at ng oras natin na maiwan sa ibang bansa kasi paano naman ‘tong little love ko. Hindi ko kayang iwan ng matagal si little love,” sey niya.
Patuloy niya pa, “Siyempre hindi rin naman tayo nagpapahuli dito sa Pilipinas lalo na kapag ginawa mo ang research mo, kumbaga world class rin naman ang kayang i-offer…So kahit na mapapagastos pero siyempre kalusugan mo, health mo, extension ng quality of life mo ‘yung nakataya dito, kailangan mong ibigay ‘yun sa sarili mo.”
Ipinakita rin ni Angelica na matapos ang surgery, agad siyang sumabak sa physical therapy upang makapaglakad na ulit siya.
Bandang huli, mukhang naginhawaan na ang aktres sa kanyang kundisyon dahil matagumpay ang kanyang operasyon.
“Natapos na ang aking kalbaryo, sa hirap ko sa aking avascular necrosis journey,” sambit niya.
Kwento pa ng celebrity mom, “Within five hours after surgery nakapaglakad ako. Until now, lakad ako nang lakad, tayo, upo, nakakapagbanyo na ako mag-isa, so hindi totoo na mahihirapan ako.”
Saad pa niya, “Of course, magkakaroon ng changes sa buhay ko, like, mga high impact sports hindi ko na ‘yun magagawa [pero] hindi rin naman ako athlete.”
Chika pa niya, “Ang gusto ko lang naman ay makapaglakad at mawala ‘yung chronic pain ko.”
“So finally ito na nga dumating na kami sa point [na] okay na, nasolusyunan na, na-hip replacement na ako,” aniya pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.