Angelica inoperahan sa ‘hips’, todo pasasalamat sa mister: ‘Grabe mag-alaga!’
SUMAILALIM sa hip surgery si Angelica Panganiban dalawang linggo na ang nakararaan sa St. Luke’s Medical Center, base sa video post nito sa The Homans vlog na ibinandera kagabi, July 13.
Ang caption ni Angge, “Hi guys! It’s been a week since we had our Surgery journey! We feel a bit anxious about it, but yeah, through prayers from our families and friends nalagpasan namin! I’d also like to acknowledge my very good husband na grabe ang pag aalaga! Thanks hon, alam mo na ‘yun. First time na pareho kaming wala ni Gregg. We missed our Baby Amila.”
Dinokumento ni Angelica ang kanyang journey bago maoperahan hanggang matapos at mapapanood sa video ang mga kaganapan.
Makikitang inihanda ni Gregg ang pagkain ng asawa na dalawang araw na raw hindi makakain.
“Two days akong hindi kumain nasusuka ako, nire-reject ng body ko ‘yung gamot. Sobrang dahan-dahan lang ako kumain dito, hopefully masarap (ulam niya chicken). Kung iba ang hospital ko (lasa ng food), dito na ako lagi,” kwento ni Angelica habang nakahiga sa hospital bed niya.
Nakitang umiiyak siya dahil hindi niya nakakasama ang anak, “Ang sakit-sakit.”
Baka Bet Mo: Angelica nahihirapan sa bone disease, iwas na iwas maoperahan: ‘Nakakaloka!’
Maririnig naman ang tinig ni Gregg na pinakakalma ang asawa. Pinakita ring tsinek ang dugo ng aktres.
Day 2, July 6, “Good morning it’s now day 2 na nasa hospital ako marami-rami na akong nagawang lab test and scans, nag 2D echo na ako, ECG, para sa heart para lang ma-clear ako, na blood test na rin ako but may mga uulitin lang, so, naka-fasting ako.
“Nagkandaiyak-iyak na ako kagabi dahil first time naming mag-spent ng night ni Gregg na hindi kasama si Bean. Napaka-unusual lang na both are together but hindi namin kasama ‘yung daughter namin.
“Kahit gaano kaganda ang ospital basta ospital nakaka-down pa rin ng pakiramdam. Nakaka-miss naman talaga ‘yung anak ko dahil gabi-gabi ko siyang katabi tapos bigla akong walang katabi,” sey ng aktres na siya mismo ang kumukha sa sarili.
Nabanggit na ang gagawin sa kanyang test ay urinalysis at isa pang blood test.
“Kung kinakabahan ako- Actually, mas excited ako gustung-gusto ko na itong mangyari, gusto ko ng matapos ‘yung nararamdaman kong chronic pain ko for the past two years, I’m looking forward (sabay thumbs up),” sambit ni Angge.
Kinunan din niya ang asawang si Gregg habang nage-exercise ito dahil bagong gising ito at sabay bati sa asawa ng “good morning.” Iniligpit din nito ang higaan niya.
Inasar ni Angge ang asawa, “Uy, nagligpit ng (higaan).”
Sagot ni Gregg, “Nakakahiya sa mga doctors.”
“Sa bahay hindi ka naman ganyan. Sa akin hindi ka nahihiya?” pang-aasar nito sa asawa.
Dumating sa hospital si Baby Bean at dire-diretso sa kinaroroonan ng ina sabay tawag ng “mommy” na kaagad namang kinarga ni Angge ang anak at inupo sa tummy niya.
At kaagad ding inalis at naglaro ng taguan si baby Amila.
Minamasahe ni Gregg ang asawa at tinanong ng aktres kung kinakabahan ito at sumagot naman ng “maybe, a little bit.”
Pero nu’ng una ay nagsabing hindi kaya, sinabihan siya ni Angge ng, “Bakit ba pa-macho ka, ayaw mong aminin ‘yung nararamdaman mo?”
“Kasi I know when you get scared. If I get scared baka matakot ka,” katwiran ni Gregg.
“Hindi ako ganu’n!” mabilis na sagot ng misis niya.
“Ganu’n ka, hindi mo lang alam kilala kita, eh.” sabi rin ni Gregg.
“Ganu’n ka, hindi ibig sabihin ganu’n ako,” diin ni Angge.
Baka Bet Mo: Angelica Panganiban naiyak sa regalo ni Juday, gustong burahin ang kagagahang ginawa noon
“Ganu’n ka! Ganu’n tayong lahat!,” diin ulit ni Gregg.
Susme, nagkukulitan kung sino ang matapang at hindi.
Seryosong usapan na excited din ang nararamdaman ni Gregg at gusto na rin niyang matapos ang surgery ng asawa para hindi na ito makakaramdam ng sakit.
Sabi ng aktres sa asawa, “Kaso pag natapos, bayaran na.”
Nagkamot ng leeg si Gregg sabay sabing, “Doon ako takot, ha, ha, ha.” Natawa rin si Angge.
“It will be okay, God will provide,” sambit ni Gregg.
Day 3, July 7 ay binati ni Gregg ang asawa ng, “Good morning may brave wifey (ngumiti naman si Angge).”
“Today-today, I’ll be waiting for (surgery),” saad ng aktres.
Bago sinundo si Angge para dalhin sa operating room ay nagyakap muna sila ni Gregg at sabay kiss.
Inabot ng pitong oras ang operasyon at nagising na si Angelica, “Hi, nasa recovery room ako, nanghihina (at) sobrang sakit! Hindi ko ma-explain ang sakit.”
Day 4, July 8 day 1 of recovery.
Kinumusta ni Gregg ang asawa at nabanggit nitong nakakatulog siya sa dami ng pain reliever na pinainom at iniisip niya kung paano siya babaling sa kama, kung nautot na siya at ihi ang naramdaman niyang mainit.
Natatawa si Angge dahil pinapalitan daw siya ng diaper, “Kahit ‘nung nanganak ako hindi ito nangyari sa akin.”
Day 2 f recovery ay pinakitang pinupunasan ni Gregg ang asawa.
“Alagang Gregg Homan, “ sey ni Angge.
Sabay sabing, “Pinakita ko lang na sobrang swerte ko sa asawa ko dahil kahit late niyang nalaman na made in China ang napangasawa niya at sobrang sakitin, mahal pa rin daw niya ako.”
July 10 ay nag-check out na si Angge at ang worry niya, “Medyo nakaka-anxious kasi wala na ‘yung mga nurse. Isa pang nakaka-anxious kasi kasama ko na ‘yung baby sa bahay.
“Damang-dama ko pa ‘yung maga ng legs ko, so medyo nakaka-praning na sana hindi niya tamaan kapag na-excite siya sa akin kasi dito sa ospital medyo naiiwas pa namin, ewan ko lang sa bahay kung paano magiging sistema namin.
“’Yung pain levels ko naman, maluwag ‘yung balakang ko may ginhawa na akong naramdaman finally. Siyempre masakit ‘yung pain from surgery, masakit ‘yung mga muscles ko pero it’s getting better everyday.
“Low dosage na rin ‘yung mga pain reliever na iniinom ko, oral na ‘yung mga gamot na iniinom ko wala na ‘yung mga medyo nakakahilong gamot. Hopefully maka-recover kaagad pero three weeks akong ibe- bedrest, so, tingnan natin.”
Sinubukan na ring mag-stretching ni Angge by using dumbbell na mga 2 pounds siguro at igalaw ang hips niya at pinagagalaw ang magkabilang binti, tayo at upo. kitang-kitang nahihirapan ang aktres dahil may pain pa.
“Guys ito ang anniversary gift sa akin ni Gregg, wheelchair na made in China at match sa kanyang asawang made in China (natawa) daming defects,” sey ni Angge.
Kung hindi pala naoperahan ang aktres ay pupunta sila ng Hongkong ng July 11 para i-celebrate ang kanilang pagkakakilala sa nasabing petsa.
Samantala, ipinaliwanag ni Angelica kung bakit niya kinailangang dumaan sa hip surgery ay dahil na-diagnose siya ng Avascular necrosis or bone death at naramdaman niya ito nu’ng buntis siya kay baby Bean.
Hindi hip replacement ang ginawa dahil bata pa raw siya, ayon sa kanyang doktor kaya’t Cord Decompression surgery .
“Nag-drill sila ng butas sa buto ko para magkaroon ng blood flow para ma-release ‘yung tension at kinuhanan ako ng bone marrow aspiration, so sinaksak ‘yun sa aking dead bone at may tinawag din silang BMP o Bone Morphogenetic Protein or bone stimulant, so may PRP o Platelet-Rich Plasma para makatulong sa pag-slowdown ng pag-collapse ng hips ko and hopefully sana hindi na ako umabot sa hip replacement with the help of proper therapy, care and prayers,” chika ni Angelica.
At pagkalipas ng dalawang taon ay ngayon lang daw nakaramdam ng ginhawa ang aktres.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.