Elijah naluha sa ‘GUTS’ ni Olivia Rodrigo, ramdam ang pumanaw na kapatid
FEELING ng Kapamilya actor na si Elijah Canlas ay kasama niya ang yumaong kapatid na si JM Canlas habang nanonood ng “GUTS” concert ni Olivia Rodrigo.
Isa si Elijah sa napakaraming celebrities na nakasaksi sa bonggang concert ng Fil-Am international artist na si Olivia sa Philippine Arena, Bocaue, Bulacan kagabi.
Nag-post ang aktor ng kanyang litrato sa Instagram na kuha sa labas ng Philippine Arena habang hawak ang litrato ng nakababata niyang kapatid.
Aniya sa caption ng kanyang IG Story, “Just JM and I for the Olivia Rodrigo concert tonight. JM was so obsessed with Olivia- he literally had his own corner of Olivia merch at home.”
View this post on Instagram
Kuwento ng binata, talagang die hard fan daw ni Olivia Rodrigo ang namayapang kapatid. Nasubaybayan at sinuportahan daw ni JM nang bonggang-bongga ang career ng award-winning Fil-Am performer.
“He even made me watch the disney shows she starred in, that’s also why I know most of her songs,” pagbabahagi pa ni Elijah.
Patuloy na pagbabalik-tanaw ng binata, “He made me promise to take him to an Olivia Rodrigo concert someday. Oo na… magaling na Olivia mo, JM. Miss kita!”
“Kahit mag-isa lang ako kanina at may kaunting buhos ng luha, ramdam kitang sumasabay sa bawat kanta, nakangiting tumatalon at tunay na maligaya. Hope you had fun!” pahayag pa ni Elijah.
Noong August, 2023 nang mabalitang patay na ang 17-anyos na kapatid ni Elijah. May kinalaman daw sa mental health problems ang pagpanaw ni JM.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.