Bagyong Ferdie nag-‘babu’ agad sa bansa, pero magpapaulan sa may Luzon
MAKALIPAS ang ilang oras, umalis din agad ng ating bansa ang bagyo na may international name na Bebinca.
Magugunitang bandang alas sais kagabi, September 13, nang pumasok ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR) at pinangalanang Bagyong Ferdie, pero pagdating ng madaling araw ay lumabas na rin ito.
“As of 2:00 AM today, Tropical Storm ‘FERDIE’ {BEBINCA} is already outside the Philippine Area of Responsibility,” sey sa Facebook post ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Baka Bet Mo: Liza Soberano nagugulat sa tuwing tinatawag na ‘Hope’ in public, bet pa ring matawag sa kanyang screen name
Base sa 5 a.m. weather update ng ahensya, huli itong namataan sa layong 1,210 kilometers silangan ng Extreme Northern Luzon.
Taglay nito ang lakas na hanging 85 kilometers per hour malapit sa gitna at bugsong aabot sa 105 kilometers per hour.
Kumikilos ito papalayo ng bansa pa-kanluran sa bilis na 20 kilometers per hour.
Dahil sa “trough” o ekstensyon ng bagyo, asahan ang isolated rains sa ilang lugar sa Luzon ngayong araw, September 14.
Bukod diyan, nagpapaulan pa rin ang Southwest Monsoon o Hanging Habagat sa malaking bahagi ng ating bansa.
Mararanasan ang monsoon rains sa MIMAROPA, Western Visayas, at Negros Occidental.
May occasional rains naman sa Bicol Region at nalalabing bahagi ng Negros Island Region.
Kalat-kalat na mga pag-ulan naman ang aasahan sa Metro Manila, sa natitirang lugar ng Visayas, Zamboanga Peninsula, BARMM, SOCCSKSARGEN, Caraga, Northern Mindanao, CALABARZON, Zambales, at Bataan.
Gayundin sa ilang lugar sa Mindanao na magkakaroon ng panaka-nakang pag-ulan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.