‘Hellboy: The Crooked Man’ ni Jack Kesy winner sa aksyon, horror, comedy
SHOWING na sa mga sinehan ngayong araw, September 11, ang action-suspense-horror na “Hellboy: The Crooked Man”.
Ito na ang ikaapat na pelikula sa “Hellboy” franchise na talaga namang bentang-benta sa mga Pinoy na mahilig sa aksyon na may kasamang katatakutan at suspense.
Mula sa direksyon ni Brian Taylor (Crank, Crank: High Voltage, Ghost Rider: Spirit of Vengeance), ang kwento ay iikot sa panahon ng dekada 1950s, sa Appalachian Region kung saan makakasagupa ni Hellboy ang tinatawag na The Crooked Man na pinuno ng mga mangkukulam.
Si Hellboy ay may katawang halimaw pero lumaking mabuting tao dahil na rin sa mga nagpalaki sa kanya. Siya ay ginagampanan ng aktor na si Jack Kesy (Deadpool 2, Baywatch, The Killer, a Netflix feature).
Baka Bet Mo: Kyle Echarri, Maja Salvador, Richard Gutierrez puring-puri sa pag-arte sa ‘The Iron Heart’
Nagtatrabaho si Hellboy sa Bureau of Paranormal Research and Defense (BPRD), at naatasan siyang dalhin ang isang gagambang may magic sa kanilang laboratoryo.
Kasama niya sa misyon ang baguhang si Bobby Jo Song, ginagampanan ni Adeline Rudolph (Netflix series Resident Evil), mula sa Hong Kong na may dugong German at Korean.
Sakay ng tren, bigla silang inatake ng gagamba at ito’y nakatakas. Mapapadpad sila sa isang bayan na pinamumugaran ng mga mangkukulam.
View this post on Instagram
Dito nila makikilala sina Tom Ferrel, na may angking “lucky bone” na makakagawa ng mahika; si Cora Fisher, isang mangkukulam na gustong tumiwalag sa Crooked Man; si Effie, ang kanang kamay ng Crooked Man; at ang ama ni Tom na nagkatawang kabayo.
Magkakasundo ang lahat na wakasan na ang Crooked Man, pero hindi nila inaasahan ang tindi ng panganib na haharapin, at ang malupit na kapangyarihan ng kanilang kalaban.
Ang Crooked Man ay ginagampanan ni Martin Massindale na lumabas sa mga pelikulang “On Chesil Beach”, “Holmes & Watson”, at “The Time of Their Lives.”
Ang award-winning creator at artist at executive producer na si Mike Mignola ang siya ring sumulat ng pelikulang ito.
Kilala rin siya bilang production designer ng Disney film na ATLANTIS at visual consultant ng direktor na si Guillermo del Toro sa pelikulang “Hellboy” at “Hellboy 2: The Golden Army.”
Napanood na namin ang part 4 ng “Hellboy” sa naganap na premiere night nito sa Cinema 2 ng SM Megamall at in fairness, na-enjoy naman namin ang kabuuan ng movie.
Siyempre, bukod sa maaaksyon at nakakabigla/nakakatakot na eksena, hindi pa rin nawawala ang pagiging komedyante ni Hellboy.
Kung napanood n’yo ang lahat ng franchise ng pelikulang ito, hindi n’yo dapat palampasin ang “Hellboy: The Crooked Man” dahil siguradong hindi kayo magsisisi at manghihinayang sa ibabayad n’yo sa sinehan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.