Sampaguita girl hindi na nagtitinda dahil sa trauma, nais mag-‘sorry’ sa sekyu
NAGSALITA na ang viral sampaguita girl upang linawin ang ilang kumakalat na fake news patungkol sa kanyang pagkatao.
Na-interview siya ng ABS-CBN at doon niya isinalaysay ang buong pangyayari sa viral video kung saan bayolente siyang itinaboy ng security guard sa labas ng sikat na shopping mall sa Mandaluyong City.
Kwento niya, “Ayaw na muna niya mapakiusapan na doon na muna ako umupo…and then parang inaambahan niya po ako na kukunin niya ‘yung sampaguita ko. Tumayo na po ako noon and then, ‘yun nga po, ‘nung pagtayo ko po non, hinablot niya po ‘yung paninda ko.”
Dahil daw sa ginawa ng sekyu ay talagang nagalit siya at hindi na niya napigilan ang kanyang sarili kaya pinaghahampas na niya ito ng natitirang sampaguita na hawak niya.
“Galit po ako talaga kasi naganun po ako. Feeling ko, ang baba ko, feeling ko, ayun nga, dahil nagtitinda lang ako, ginanun ako,” sey niya sa panayam.
Baka Bet Mo: Pamilya ni ‘sampaguita girl’ na-hurt sa viral vid, pero ayaw kasuhan ang sekyu
Inamin ng dalaga na na-trauma siya sa nangyari, lalo na’t sinundan pa ito ng matinding pamba-bash online.
Bukod sa hindi na siya nagtitinda ng sampaguita, naapektuhan na rin daw ang kanyang pag-aaral.
“Masakit man isipin pero… kailangan ko na lang harapin. Dumating nga po sa point na ayaw ko na pong pumasok kasi nahihiya na po ako,” sambit ni sampaguita girl.
Kasunod niyan, iginiit niya na hindi siya miyembro ng sindikato at never siyang nagnakaw o kaya ay nagmura at nandudura sa mga taong nakakasalamuha niya habang nagtitinda.
“Nababasa ko po sa mga comment section na ako raw po ‘yung lider ng mga sindikato, which is hindi naman po,” saad niya.
Patuloy pa niya, “Then ‘yun nga po magnanakaw daw po ako tapos nagmumura daw po ako at nandudura. Hindi ko po ugaling mangganun ng tao lalo na po at naka-school uniform po ako.”
Sinabi pa niya na may edad na rin ang kanyang magulang at madalas ay nagkakasakit kaya silang magkakapatid ang nagtutulungang magtinda ng sampaguita –hindi lang para sa kanilang pag-aaral, kundi para may pantustos sa pang-araw-araw nilang pamilya.
Nabanggit din niya na konti lang ang kanyang damit, kaya ang lumang junior high school uniform ang suot niya sa viral video.
“Nagsusuot po ako ng uniform kasi para maging disente po sa harap ng tao at hindi po pagpapanggap ‘yun at totoo naman po akong nag-aaral,” paliwanag niya.
Nang tanungin naman siya ng Kapamilya network kung ano ang mensahe niya sa security guard.
“Gusto ko po humingi ng sorry sa kanya, and at the same time hindi ko po ginusto na matanggal siya sa trabaho,” sey niya.
Kamakailan lang, sa isang interview, nauna nang sinabi ng magulang ni sampaguita girl na kahit masakit sa kalooban nila ang sinapit ng anak ay hindi nila kakasuhan ang sekyu.
“Hindi na kami [magfa-file] ng kaso. Kasi malay mo may pamilya siyang pinag-aaral, kagaya sa amin…naawa rin ako kasi parehas kami,” paliwanag niya.
Si sampaguita girl ay nasa edad 22 na at kasalukuyang kumukuha ng kursong medical technology.
May kakambal din siya na nag-aaral naman ng nursing.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.