Viral ‘Sampaguita Girl’ natatakot sa sinibak na sekyu: Baka balikan po ako
NABALIGTAD na ngayon ang sitwasyon ng viral “Sampaguita Girl” at ng sinibak na security guard na nagtaboy sa kanya isang shopping mall sa Mandaluyong City.
Nangangamba ngayon ang sampaguita vendor para sa kanyang buhay dahil baka raw balikan o resbakan siya ng sekyu na natanggal na nga sa trabaho at posible pang sampahan ng kasong administratibo.
Ayon kasi sa nag-viral na babaeng estudyante sa social media, sa kabila raw ng pagso-sorry niya sa security guard at sa pag-aming nagbebenta siya ng sampaguita para pangtustos sa kanyang pag-aaral, ay dumarami pa ang mga nakikisimpatiya at kumakampi sa sekyu.
“Gusto ko pong tahimik lang ang buhay ko, privacy lang po ang nais ko. Tapos yung mga personal information ko po, nali-leak po sa social media.
Baka Bet Mo: Pamilya ni ‘sampaguita girl’ na-hurt sa viral vid, pero ayaw kasuhan ang sekyu
“Hindi ko po ginusto yon at wala po akong intensiyon na mangyari yon,” ang pahayag ng sampaguita vendor sa panayam ng ABS-CBN na naka-post sa kanilang official Facebook ngayong araw, January 19.
Sabi pa ng estudyante, “Sa ngayon, halo-halo po yung kaba ko kasi nga po nasisante nga po siya (securtiy guard). Naisip ko rin po na dahil siguro po sa galit niya, baka balikan niya ako.
“Hindi naman po sa nag-o-overthink ako, pero may mga possible na ganoon po ang naiisip ko na baka isang araw, abangan niya po ako sa labas ng school namin or baka po pag nagtinda po ulit ako, abangan niya po ako.
“Base lang po yon sa konklusyon ko, base po sa nararamdaman ko. Natatakot lang po ako,” dagdag pang pahayag ng sampaguita vendor sa naturang panayam na sinadyang hindi ipakita ang mukha.
Sa isang bahagi ng interview, mariing pinabulaanan ng estudyante na hindi niya minura o dinuraan ang security guard, “Gusto kong humingi ng sorry sa kanya. Hindi ko po ginusto na matanggal siya sa trabaho.
“At SM po ang nag-decide at hindi po ako, at wala po akong kinalaman. Biktima lang din po ako ng pagpo-post sa social media kaya nagso-sorry ako sa kanya kung anuman ang nagawa ko sa kanya,” aniya pa.
Nilinaw din ng sampaguita vendor na hindi siya nanlilimos nang paalisin siya ng guard, “Hindi po ako namamalimos nu’ng araw na po noon, December po noon. At yung karton na hawak ko po, may nakasulat po na ‘Namamasko po’ at hindi po ako namamalimos.
“Hawak ko lang po yon kasi siyempre December po, karamihan sa tao hindi naman po nabili ng sampaguita, hindi mabili yung sampaguita.
“So, gusto lang nilang bigyan ako ng konting handog na pamasko at hindi po yon limos po. Sila lang po yung naghuhulog doon. Sinasabi po nila, ‘Pamaskuhan na lang kita.’
“Hindi po ako nanghihingi, hindi po nangangalabit noon. Kung namamalimos po, e, di sana mahaba yung statement sa karton. E, ang nakalagay lang po du’n, e, ‘Namamasko po,'” depensa pa niya.
Habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa rin nagbibigay ng pahayag ang sinibak na security guard.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.