‘Enteng’ nasa labas na ng PAR pero magpapaulan pa rin dahil sa Habagat
MAGPAPATULOY ang maulang panahon sa bahagi ng Luzon.
‘Yan ang advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong araw, September 5.
Ayon sa Weather Specialist na si Benison Estareja, ito ay dahil sa epekto ng Southwest Monsoon o Habagat, pati na rin ng “trough” o buntot ng Bagyong Enteng na ang tawag na ngayon ay Typhoon Yagi.
“Unti-unti po itong (ang bagyo) lumalayo sa ating kalupaan, subalit kitang-kita po ‘yung outer cloud bonds nitong si Yagi [na] nagpapaulan pa rin sa bahagi ng Wester Luzon,” sey ni Estareja.
Ang typhoon ay huling namataan sa kanlurang bahagi ng Laoag City, Ilocos Norte.
Baka Bet Mo: 10 katao patay sa pananalasa ni Enteng, daan-daang pamilya lumikas
Taglay nito ang lakas na hanging 175 kilometers per hour malapit sa gitna at bugsong aabot sa 215 kilometers per hour.
Kumikilos itong pa-kanluran sa bilis na 25 kilometers per hour.
Nabanggit din ng weather specialist na may binabantayan silang “cloud clusters” o kumpol na mga ulap at Low Pressure Area (LPA) sa ating bansa, pero maliit ang tsansa nitong maging bagyo.
“Magiging stationary lamang po ito roon, habang patuloy nating mino-monitor itong cloud clusters o kumpol ng mga ulap dito po sa silangan ng Luzon dahil dito posibleng may mabuo nga na Low Pressure Area na potensyal na maging bagyo by early next week.”
Dahil sa “trough” o ekstensyon ng bagyo, asahan ang kalat-kalat na pag-ulan sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Norte, at Ilocos Sur.
Mararanasan naman ang monsoon rains sa Pangasinan, Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro dahil sa Habagat.
Ang nasabing weather disturbance ay nagdudulot ng occasional rains sa Metro Manila, La Union, Cavite, Batangas, Rizal, Laguna, Oriental Mindoro, Northern Palawan, at nalalabing bahagi ng Central Luzon.
May minsang pag-ulan din sa Quezon, Marinduque, at Romblon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.