VP Sara sa mga magdo-donate ng budget sa OVP: Mananatili kaming tapat
NAGPAHAYAG ng pasasalamat si Vice President Sara Duterte sa mga nagpaabot ng kanilang pagnanais na mag-donate para sa budget ng Office of the Vice President.
Sa isang pahayag na inilabas nito ngayong araw, September 3, sinabi ng bise presidente na nakakataba raw ng puso ang mga ipinapakitang suporta ng madla sa OVP.
Ngunit giit ni VP Sara, imbes na ibigay sa kanilang opisina ay i-donate na lamang ito sa mga nasalanta ng Bgyong Enteng.
“Maliban sa nakakataba ng puso, isa rin itong patunay ng inyong dedikasyon sa ating mga adhikain. Subalit sa pinsalang dala ng bagyong ‘Enteng’, hinihikayat namin na kung may nais kayong i-donate, nawa’y ito’y ibigay na lamang sa mga kapwa nating kababayan na kasalukuyang lubos na naapektuhan ng pag-ulan at pagbaha,” saad ng bise presidente.
Baka Bet Mo:
Bandera IG
Dagdag pa ni VP Sara, “Malaking bagay ang anumang tulong upang maibsan ang kanilang pinagdadaanan at makabangon muli.”
Aniya, mas mahalaga raw na unahin ng mga sumusuporta sa kanya ang mga sarili lalo na at pataas nang pataas ang presyo ng mga bilihin.
“Sa kabila ng pagtaas ng presyo ng mga pagkain at iba pang pangunahing bilihin, nais rin naming ipabatid na higit na mahalaga ang unahin ninyo ang inyong mga sariling pangangailangan at ang kapakanan ng inyong pamilya,” lahad ni VP Sara.
Pagpapatuloy niya, “Nauunawaan namin ang mga hamon na hinaharap ng bawat isa, at naniniwala kami na ang inyong mga pinagkukunan ay mas marapat gamitin para sa inyong kapakanan sa panahon ng ganitong mga pagsubok.”
Ang mga natatanggap nitong pagsuporta ay talagang kanyang pinapahalagahan.
“Ang inyong patuloy na suporta at tiwala sa aming mga programa ay labis naming pinahahalagahan. Mananatiling tapat ang aming Tanggapan sa paglilingkod sa inyo at sa pagtugon sa mga isyung mahalaga sa ating bansa,” sey pa ni VP Sara.
Matatandaang isa sa mga usap-usapan ngayon ang proposed budget ng OVP para sa 2025 na nagkakahalagang P2.037-bilyon.
Sa nagdaang budget hearing noong Agosto 27, tumanggi si VP Sara na sumagot sa ilang mga katanungan ng mga mambabatas, gaya na lang nang matalakay ang P125 million confidential funds noong 2022 na naubos lang sa loob ng 11 araw.
Bukod pa rito, nakuwestiyon rin ni Sen. Risa Hotiveros ang budget para sa paglalabas ng kanyang librong “Isang Kaibigan” na nagkakahalagang P10 million.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.