28 patay dahil sa bagyong Carina, Butchoy at habagat –NDRRMC
UMABOT na sa 28 ang patay dahil sa hagupit ng Typhoon Carina, bagyong Butchoy at epekto ng Southwest Monsoon o Hanging Habagat.
Ayon sa latest bulletin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong July 28, sampu ang kumpirmadong pumanaw na habang ang natitira ay patuloy pa nilang vina-validate.
Bukod diyan, apat ang naiulat na sugatan at may apat din na nawawala.
Nabanggit din ng NDRRMC na nasa 3,628,500 na indibidwal o katumbas ng 971,667 pamilya ang apektado sa pananalasa ng dalawang bagyo at Habagat.
Baka Bet Mo: Bahay ni Kuya nabiktima rin ni Carina, kwarto ng housemates binaha
Sa bilang na ‘yan, kasama na ang 1,069,354 na nawalan ng tahanan, 168,933 na na-stuck sa loob ng kanilang bahay dahil sa matinding baha, 1,025 na nanatili sa mga evacuation center, at mayroon pang 900,421 na lumikas sa ibang lugar.
Naitala rin ng ahensya na nasa 720 na mga bahay ang nasira kung saan 556 ang “partially damaged” at 164 ang “totally destroyed.”
Samantala, umakyat na sa mahigit P218 million ang pinsalang natamo ng pananim sa bansa dahil sa epekto ng nabanggit na weather disturbances.
Apektado riyan ang 12,456 na magsasaka at mangingisda.
Ayon sa NDRRMC, namahagi na ang gobyerno ng P145,325,654 halaga ng ayuda para matulungan ang mga apektadong mga kababayan.
Magugunitang nalubog sa tubig baha ang maraming lugar sa Metro Manila dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng bagyong Carina na sinabayan pa ng Habagat.
Ang baha sa ilang major roads sa kalakhang Maynila ay umabot sa 8 hanggang 19-inch deep.
Dahil sa nangyaring sakuna, ang buong National Capital Region (NCR) at Cainta, Rizal ay nagdeklara ng state of calamity.
Sa ilalim nito, binibigyan ng mas malaking kapangyarihan ang mga ahensya ng gobyerno para matugunan ang mga nasalanta ng masungit na panahon.
Ilan rin sa mga epekto ng nasabing status ay ang pagpayag sa mga lokal na pamahalaan na gastusin ang kanilang “quick response funds,” pati na rin ang pagpataw ng price cap para mapigilan ang pagsipa ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.