Bagyong Carina umalis na ng bansa, pero habagat magpapaulan pa rin
NAKALABAS na ng Philippine area of responsibility (PAR) ang Typhoon Carina ngayong umaga, July 25.
Ito ay kinumpirma mismo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa INQUIRER.net at sinabing umalis ang bagyo sa ating bansa kaninang bandang 6:20 a.m.
Ang sentro ni Carina ay huling namataan 465 kilometers hilaga ng Itbayat, Batanes.
Taglay nito ang lakas na hanging 150 kilometers per hour at bugsong aabot sa 185 kilometers per hour.
Kasalukuyan itong kumikilos sa bilis na 20 kilometers per hour papunta sa hilaga.
Baka Bet Mo: Ilang lugar sa MM hindi na madaanan dahil sa malawakang pagbaha
Ayon sa weather bureau, binabadya na nito ang Taiwan Strait at inaasahang tatama sa bahagi ng China ngayong tanghali o gabi.
Bagamat wala nang bagyo, patuloy pa ring lumalakas ang Southwest Monsoon o Hanging Habagat na nagdudulot ng mga pag-ulan sa bansa.
“Sa Metro Manila meron pa din pag-ulan. Sa Ilocos Region, medyo malakas po, kasi yung konsentrasyon ng habagat medyo tumaas po, papunta naman ng Ilocos region,” paliwanag ni Weather Specialist Samuel Duran sa isang phone interview.
Dagdag pa niya, “Dito sa Metro Manila mababawasan ang pag-ulan natin, pero meron pa din.”
As of this writing, nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Batanes na makakaranas ng malakas na hangin at pag-ulan dahil sa bagyong Carina.
Base naman sa weather bulletin ng PAGASA ngayong araw, July 25, asahan ang Monsoon Rains sa Metro Manila, Ilocos Region, Abra, Apayao, Benguet, Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, at Occidental Mindoro.
Uulanin din ang nalalabing bahagi ng Cordillera Administrative Region at CALABARZON, Tarlac, at Nueva Ecija dahil pa rin sa Habagat.
May kalat-kalat na pag-ulan naman sa Western Visayas at sa natitirang lugar sa Luzon.
Isolated rains naman ang mararanasan sa nalalabing bahagi ng bansa na dahil pa rin sa nasabing weather system.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.