Ogie sa mga nais pumasok sa PBB: Paghirapan n’yo, mga anak

Ogie Diaz sa mga nais pumasok sa PBB: ‘Paghirapan n’yo, mga anak!’

Pauline del Rosario - April 22, 2024 - 12:25 PM

Ogie Diaz sa mga nais pumasok sa PBB: 'Paghirapan n’yo, mga anak!'

PHOTO: Facebook/Ogie Diaz

TILA nagparinig na ang showbiz insider na si Ogie Diaz ngayong malapit nang buksan ang auditions para sa latest season ng “Pinoy Big Brother (PBB)”, ang “Gen11.”

Marami na kasi ang nagme-message kay Ogie at nanghihingi ng tulong upang makapasok sa PBB.

Iisa lang naman ang sagot diyan ng talent manager: “Paghirapan n’yo, mga anak.”

Paliwanag niya sa isang mahabang Facebook post, “Mas masarap ang kwento ng tagumpay kapag nagsimula ka sa pinakababa.”

Sey pa niya, “Mga kaibigan ko ang namamahala diyan, pero hindi ako gumamit ng impluwensiya ko kasi useless. Talagang pinadadaan nila ang mga bata sa butas ng karayom.”

Baka Bet Mo: Ogie Diaz sa ‘pag-exit’ ng ‘Eat Bulaga’: Wala kaming kino-confirm

“Kung deserving ka, congrats. Kung hindi ka naman nakuha, hindi mo kailangang mawalan ng pag-asa. Dahil andaming sumubok mag-PBB, nakapasok sa bahay ni kuya, pero hindi naman ganun kabongga ‘nung lumabas ng bahay,” lahad pa niya sa post.

Binanggit pa nga ni Ogie ang dalawang bigating artista na sina Maine Mendoza at Alden Richards na ayon sa talent manager-vlogger ay sumubok na mag-audition noon sa nasabing reality TV show, ngunit hindi raw ito nakuha.

Gayunpaman dahil sa maswerteng kapalaran ay kilalang-kilala na ang dalawa ngayon sa showbiz industry.

“Hindi porke nakapasok ka sa PBB, sisikat ka na. You should possess the X factor na kailangan nilang makita at maramdaman sa ‘yo,” wika ni Ogie.

Kwento pa niya, “Meron ngang isa na akala ko, sisikat ‘nung maging isa sa winners eh. Kaya siya nanalo dahil nakakatuwa siya. Paglabas, sumeryoso at ibang field ang tinahak. Naudlot tuloy ang kasikatan. Bet ko pa naman siya.”

Payo niya sa mga nais mag-artista, “Kaya lagi n’yong isipin, mga anak, hindi lang ang PBB ang pwedeng maging susi ng inyong tagumpay. Andaming paraan.”

“Basta nasa timing ka lang talaga at uso ‘yang mukha at talent mo,” patuloy niya.

Mensahe pa ng showbiz insider, “Basta wag n’yong tapusin lang ang pangarap n’yo sa PBB — maraming paraan, marami pang pagkakataon, marami pa kayong taong makikilala para maging tulay sa pangarap n’yo.”

Ipinaalala rin ni Ogie na hindi lang naman sa mga mall at campuses nadi-discover ang talents, kundi sa social media na rin.

“Gumawa kayo ng content na pwedeng mag-viral. Basta hindi nyo sasaktan ang sarili n’yo at paiiralin pa din ang good behavior sa inyong content,” sambit niya.

Aniya pa, “Pero kung gusto n’yo talaga sa PBB, paghirapan n’yong pumila, magtiyaga sa paghihintay sa pila, danasin nIyong magutom, mangawit. Para pag nagtagumpay kayo diyan, may baon kayong kwento.”

Ang auditions para sa “PBB Gen11” ay mangyayari sa April 27 sa Robinsons Novaliches at sa April 28 sa Robinsons Las Piñas.

Para naman sa aspiring housemates from General Santos City sa South Cotabato, pwede kayong mag-audition sa KCC Mall ng Gensan.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending