Easter Sunday mainit, 8 lugar papalo sa 42 hanggang 44°C –PAGASA
ASAHAN ang mas mainit na panahon sa ilang lugar sa bansa ngayong Easter Sunday, March 31.
Ayon sa latest forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), posibleng umabot sa 42 degrees Celsius hanggang 44 degrees Celsius ang heat index sa walong lugar na nasa Metro Manila, Occidental Mindoro, Palawan, Capiz, at Iloilo.
Para sa kaalaman ng marami, nasa “dangerous level” na ang heat index ng isang lugar kung umabot na ito sa 42 degrees Celsius hanggang 51 degrees Celsius.
Ang heat index naman ay ang init na nararamdaman sa katawan ng tao.
Baka Bet Mo: Warning ng PAGASA ngayong Holy Week: ‘Mag-ingat dahil mas magiging mainit’
Narito ang mga lugar na posibleng makaranas ng dangerous category dahil sa mataas na heat index:
Ninoy Aquino International Airport, Pasay, Metro Manila (42°C)
San Jose, Occidental Mindoro (43°C)
Puerto Princesa City, Palawan (44°C)
Aborlan, Palawan (44°C)
Roxas City, Capiz (44°C)
Mambusao, Capiz (43°C)
Iloilo City, Iloilo (43°C)
Dumangas, Iloilo (43°C)
Ayon sa PAGASA, ang mga nasabing temperatura ay posibleng magdulot ng heat cramps, pagkahapo at heatstroke.
Upang maiwasan ang epekto ng matinding init, nagpaalala ang weather bureau na limitahan ang oras na ginugugol sa labas, uminom ng maraming tubig, iwasan ang pag-inom ng tsaa, kape, softdrinks, at alak.
Ilan pa sa mga pwedeng panangga ng init ay ang pagdala ng payong, pagsuot ng sumbrero at damit na may manggas.
Samantala, ilan sa mga sintomas ng heat-related illnesses ay ang matinding pagpapawis, pagkahapo o pagkapagod, pagkahilo, pagdidilim o pagkahilo habang nakatayo, mahina ngunit mabilis na pulso, pagduduwal at pagsusuka.
In cases of emergency, narito ang mga pwedeng gawin sa nakakaranas ng nasabing sintomas:
-
Ilipat sa isang makulimlim na lugar at ihiga siya nang nakataas ang mga binti.
-
Kung may malay, painumin ng malamig na tubig.
-
Alisin ang damit, lagyan ng malamig na tubig ang balat at bigyan ng maayos na bentilasyon.
-
Maglagay ng mga ice pack sa kilikili, pulso, bukung-bukong, at singit.
-
Dalhin kaagad sa ospital.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.