Anak ni Jhong Hilario na si Sarina nag-birthday party sa bahay-ampunan
MALIBAN sa pagpapasaya sa social media, marunong na ring tumulong ang anak ni Jhong Hilario na si Sarina sa mga mahihirap na bata.
Sa latest YouTube vlog, ibinandera ng TV host-actor ang naging selebrasyon para sa 3rd birthday ng kanyang anak.
Nagkaroon ng children’s party si Sarina na ginanap sa isang bahay-ampunan sa San Juan City.
“Andito tayo ngayon sa White Cross dito sa San Juan City. Ito ay isang orphanage. Meron silang mga 60 plus na kids,” kwento ni Jhong.
Dagdag niya, “Nag-decide kami na huwag nang mag-celebrate ng special sa birthday niya. Instead, nandito kami ngayon para magbigay ng party para sa kabataan na hindi masyadong nae-experience ‘yung mga party-party at celebration.”
“Nakakatuwa kasi makikita mo talaga sa mga mata nila ‘yung saya and siyempre, sobrang blessed din ni Sarina [kaya] gusto naming mag-give back. Binigyan kami ni God ng napaka-smart na bata and talagang entertainer bata,” ani pa ng TV host.
Bukod sa bonggang handaan, games at prizes, nagkaroon pa ng performances si Sarina sa kanyang party.
Kinanta niya ang “I See the Light” mula sa Disney movie na “Tangled,” at “A Whole New World” mula sa pelikulang “Aladdin.”
Sa gitna ng vlog, inihayag ni Jhong ang birthday wish para sa unica hija nila ng misis na si Maia Azores.
“Wish namin sayo ay sana laging healthy, laging masaya, and sana mas marami ka pang taong mapasaya at ma-inspire. We love you so much!” mensahe ng aktor para kay Sarina.
Pagkatapos ng party, namigay pa si Sarina ng mga laruan at pagkain sa ilang bata na may kapansanan.
Bukod diyan, nagpadala pa ang anak ni Jhong ng mga pagkain para sa mga bata na nasa Maibo Elementary School sa Davao Del Sur, pati na rin sa San Miguel Elementary School at sa orphanage na Field of Dreams na parehong nasa Davao City.
“Katulad last year, nagkawanggawa uli si Sarina,” chika ni Jhong sa vlog.
Patuloy niya, “Nagpakain [siya] sa mga bata, sa mga kababayan natin na medyo mahirap puntahan na ilang bundok ang kailangang akyatin, napakalayong lugar. Siyempre, sa tulong ‘yan ng aking kaibigan na si Edwin at ang kanyang mga kasama na talagang nagpunta ng malayo para lang ihatid ang mga laruan at mga pagkain sa mga kabataan.”
“Sobrang nakakatuwa lang na three [years old] lang si Sarina, pero marami na siyang natutulungan at napapasaya,” wika pa ng aktor.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.