Bandera Editorial
ANG Undas ay para sa alaala ng mga patay, ng mga mahal sa buhay na nasa kabilang dako na, ng ama’t ina o mga kapatid na nauna nang tinawag para humimlay sa walang hanggang katahimikan.
Sana nga.
Ang kailangan ng mga namayapa ay dasal, dalaw sa campo santo, pagdawdaw sa dalampasigan kung ang namayapa ay nakahimlay sa pusod ng dagat sanhi ng sakuna; o kundi’y mas pinili ng patay noong siya’y nabubuhay pa ang isaboy ang kanyang abo sa buhay na dagat: minsa’y nagngangalit, minsa’y kalmado, minsa’y kumakaway at nang-aakit sa mga buhay na magliwaliw at damhin ang init–o lamig–ng mayaman at likas na laot.
Pero, paano kung ang paggunita sa namayapa ay magbubukas ng sariwang sugat upang sumigaw ng hustisya sa karimlan ng pagkalimot ng dapat ay nagpapataw ng katarungan?
Nakamit ba ni Ibarra ang hustisya nang nakawin ang kalilibing na bangkay ng ama sa utos ng mismong pari, na dapat ay siyang may ehemplo sa paggalang sa yumao?
Bagaman may hustisyang iginawad sa mga pumatay kay Benigno Aquino Jr., hindi ito ang hinahanap ng pamilya’t pulutong ng dilaw kundi ituro’t tuntunin ang utak ng pamamaslang.
Gayundin ang damdamin ng mga nagmamahal kay Evelio Javier Jr., bagaman natukoy na ang mga kasabwat at utak, pero tila may kulang pa.
Dinalaw ng mga mamamahayag, hindi ang mga puntod sa General Santos City, ang malaking hukay ng backhoe sa Barangay Salman, Ampatuan, Maguindanao na pinagsuksukan ng ilan sa 57 katao na pinatay sa utos umano ng nililitis na si Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. Dito’y damang-dama ang sariwang sugat, ang amoy ng lupa na dinilig ng dugo at saksi sa huling hugot ng hininga ng mga binaril nang walang kalaban-laban at di makalaban bago mamatay.
Sa mga biktima ng komunistang New People’s Army, na ang mga kalansay ay nahukay pagkalipas ng ilang taon sa mga killing fields makaraang isagawa ang “pamumurga.”
May hustisya pa ba sa kanila sa araw ng Undas?
Bandera, Philippine news at opinion, 110210
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.