LSE International Development Review may bagong Editorial Team, panawagan sa 2025 articles
OPISYAL nang inanunsyo ng London School of Economics International Development Review (LSE IDR) ang editorial team para sa nalalapit na 2025 issue.
Ang edisyong ito ay maglalaman ng isang pangunahing volume at tatlong espesyal na edisyon na tututok sa Cities, Artificial Intelligence, at Development and Conflict.
Bilang isang nangungunang student-run na publikasyon sa London School of Economics and Political Science (LSE), layunin ng journal na maging plataporma para sa mga global voices upang makapag-ambag sa mahahalagang isyu sa international development.
Pangungunahan ngayong taon ang publikasyon ni Anna Mae Yu Lamentillo bilang Editor-in-Chief, kasama ang isang mahusay na editorial team:
Baka Bet Mo: Dimples magtatayo ng school for acting & personality development: bukas sa lahat ng gustong umarte
Imane Belrhiti – Deputy Editor
Caitlin Rieuwerts – Deputy Editor
Cyprine Odada – Section Editor
Sofia Zarama – Section Editor
Hanna Dooley – Section Editor
“Ang layunin namin ngayong taon ay pagyamanin ang makabuluhang diskusyon sa pinakamahalagang hamon sa international development,” sey ni Lamentillo.
Patuloy niya, “Sa pamamagitan ng pagbibigay ng plataporma para sa magkakaibang pananaw at interdisciplinary na pananaliksik, umaasa kaming makapag-ambag sa makabago at inklusibong solusyon na maaaring magdulot ng positibong pagbabago sa buong mundo.”
Inaanyayahan ng LSE IDR ang mga mag-aaral, akademiko, at mga propesyonal mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo na magbigay ng kanilang orihinal na pananaliksik, sanaysay, at pagsusuri na tumatalakay sa sumusunod na pitong pangunahing tema:
1. Artificial Intelligence at Pag-unlad – Sinusuri ang papel ng AI at machine learning sa pandaigdigang kaunlaran, ang etikal na implikasyon ng AI sa mga umuunlad na ekonomiya, at ang epekto ng automation sa istruktura ng trabaho sa Global South.
2. Epekto ng Digmaan at Alitan sa Pag-unlad – Tinatampok ang pang-ekonomiya at panlipunang epekto ng digmaan, mga estratehiya para sa post-conflict reconstruction, at ang papel ng mga pandaigdigang organisasyon sa peacebuilding.
3. Pagbabago ng Klima, Pangkalikasang Pagpapanatili, at Katutubong Kaalaman – Sinusuri ang epekto ng pagbabago ng klima sa mahihinang komunidad, mga patakaran para sa sustainable development, at ang pagsasama ng katutubong kaalaman sa mga solusyong pangklima.
4. Pandaigdigang Kalusugan at Pagtugon sa Pandemya – Pinag-aaralan ang mga hindi pantay na akses sa serbisyong pangkalusugan, mga aral mula sa nakaraang pandemya, at mga estratehiya sa pagpapalakas ng sistemang pangkalusugan gamit ang culturally sensitive na mga pamamaraan.
5. Migrasyon, Mga Refugee, Karapatang Pantao, at Katutubong Mamamayan – Sinusuri ang mga migration trends na may epekto sa mga katutubong populasyon, mga patakaran ukol sa refugee, at ang sosyo-politikal na epekto ng displacement.
6. Hindi Pantay na Ekonomiya, Inklusibong Pag-unlad, at Katutubong Ekonomiya – Sinusuri ang mga estratehiya upang mabawasan ang hindi pantay na distribusyon ng kayamanan, suporta sa mga katutubong ekonomiya, at ang epekto ng globalisasyon sa tradisyunal na kabuhayan.
7. Pamamahala, Katiwalian, Pag-unlad ng Institusyon, at Karapatan ng Katutubo – Pinag-aaralan ang mga reporma sa pamamahala at mga hakbang laban sa katiwalian, kasabay ng pagkilala sa istrukturang pamamahala ng mga katutubo at kanilang karapatan.
Ang LSE IDR ay itinuturing na isang respetadong publikasyon sa larangan ng international development.
Sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa evidence-based research at inklusibong policymaking, layunin ng journal na maging espasyo para sa mga sariwang pananaw mula sa mga batang iskolar, lalo na mula sa mga underrepresented na rehiyon.
Inaabangan na ang opisyal na anunsyo ng deadline para sa mga isinumiteng artikulo, habang nakatakda namang mailathala ang 2025 issue sa huling bahagi ng taon.
Ang lahat ng isusumiteng artikulo ay dadaan sa masusing peer review ng editorial team, at ang pagpili ay ibabatay sa orihinalidad, kaugnayan sa larangan, at kontribusyon sa international development discourse.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.