Korean movie na ‘Our Season’ nagpaiyak, nagpatawa sa mga Pinoy
TATLONG araw na bakasyon sa lupa mula sa langit – ‘yan ang ibinigay na panahon sa isang inang pumanaw para muling makasama ang kanyang anak sa Korean movie na “Our Season”.
Dahil sa ganitong tema ng pelikula, ito ay sinasabing “healing fantasy film” mula sa South Korea.
Si Kim Hae-sook (Thirst, The Thieves, Assassination) ay gumaganap bilang si Bok-ja. Sa ika-3 anibersaryo ng kanyang pagkamatay, nabiyayaan siya ng tatlong araw para bumaba sa lupa na kasama ang kanyang “Guide”.
Ang kanyang kagalakan ay napalitan ng pagkabigla nang makita ang kanyang anak sa kanilang munting bayan at hindi sa Amerika gaya ng kanyang inaasahan.
Baka Bet Mo: Magdyowa binugbog nang bawiin ang bayad sa lupa, dumulog sa ‘CIA with BA’
Si Shin Min-a (My Love, My Bride, Hometown Cha-Cha-Cha) ay gumaganap bilang si Jin-ju, ang pride and joy ng kanyang ina.
Nagtrabaho ito bilang propesor sa prestihiyosong unibersidad sa America, pero nagdesisyong umuwi sa Korea dahil sa pangungulila sa kanyang nanay. Muli niyang binuhay ang negosyong kainan na naiwan ni Bok-ja.
Tila mailap kay Jin-ju ang mga sagot sa tanong niya sa buhay, pero kumakapit ito sa alaala ng kanyang nanay at sa mga recipe para sa pagluluto.
Gustong pagsabihan ni Bok-ja si Jin-ju na bumalik na sa Amerika, pero pinaalalahanan siya ni Guide na bawal niyang kausapin at hawakan ang kanyang anak.
View this post on Instagram
Si Guide ay ginagampanan ni Kang Ki-young (Crazy Romance, Exit). Payo niya kay Bok-ja na panoorin lamang ang anak at kumuha ng masayang alaala sa bakasyong ito.
Baka Bet Mo: Joel Lamangan sa bagong proyekto: Hindi naman ito pelikula na lahat ng lalaki at babae ay magkakangkangan
Habang nakasubaybay si Bok-ja sa anak, makikita ang naging relasyon ng mag-ina. Ano kaya ang kanilang pinagsisisihan? Paano mapapadama ni Bok-ja ang kanyang nararamdaman para sa anak? Mapupukaw kaya ang pangungulila ni Jin-ju?
Ang nagsulat ng phenomenal na pelikulang “Miracle in Cell No. 7” na si Yu Young-ah ang siya ring nagsulat ng pelikulang ito. Ibinahagi niya ang naging insipirasyon niya para sa “Our Season”.
Aniya, “I imagined what I would like to say to my loved ones after I die, and what they’d like to say to me if they died, and came up with the story.” Dagdag pa niya, “I hope it’s an opportunity to talk about the little regrets with those who are precious to you right now.”
Dahil sa malaking bahagi ng kwento ang pagkain, lubos na inaral ni Shin Min-a ang tamang paraan ng paghiwa ng mga lahok at pagluluto.
Samantala, binigay rin ni Kim Hae-sook ang lahat ng makakaya “to portray a unique mother and show emotions of a non-physical being.”
Tinitiyak ni Direk Yook Sang-hyo, nak ilala sa pelikulang “Inseparable Brothers”, na magiging “familiar and identifiable” ang mga karakter sa kwento.
Napanood na namin ang pelikula sa naganap na premiere night nito sa SM Megamall Cinema 2 last Tuesday at in fairness, maraming natawa at naiyak sa maraming eksena.
Bukod sa magandang istorya at napapanahong tema, ang gagaling din ng cast members. Swak na swak sa kanila ang mga karakter na ginampanan nila. I’m sure, sa lahat ng mahilig sa Korean series and movies, makikilala n’yo ang mga bida sa pelikula dahil pamilyar silang lahat.
Showing na ngayon sa mga sinehan nationwide ang “Our Season” kaya kung gusto n’yong mas ma-appreciate ang nanay n’yo o ang mga anak n’yo, perfect sa inyo ang “Our Season”.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.