EXO Doh Kyung-soo nagpakilig, nagpaiyak sa ‘Secret: Untold Melody’

Doh Kyung-soo at Won Jin-A
ISANG musikero na napilitang tumigil sa pagtugtog ang muling makararamdam ng pagmamahal sa musika nang marinig ang napakagandang piyesa mula sa isang babaeng nagpi-piano.
Iyan ang tema ng Korean movie na “SECRET: Untold Melody” na showing na ngayong araw, February 26, sa mga sinehan nationwide.
Pelikula ng screenwriter turned director na si Seo You-min, ang “SECRET: Untold Melody” ay isang romantic, fantasy-drama at remake ng 2007 Taiwanese movie na “Secret.”
Pinagbibidahan ito ng isa sa mga hinahangaang Korean actress na si Won Jin-A, at ng EXO boy band member at Korean heartthrob na si Doh Kyung-soo.
Kuwento ito ni Yu-jun (Doh Kyung-soo), isang piyanista na nag-aaral sa ibang bansa, pero nang dahil sa isang aksidente ay mapipilitang tumigil sa pagtugtog ng piano at babalik ng Korea para magpagaling.
Magiging exchange student siya sa isang kolehiyo kung saan nagtuturo ang kanyang tatay.
Isang araw sa paglilibot niya sa eskuwelahan, makakarinig si Yu-jun ng musika na nangagaling sa lumang practice room.
Baka Bet Mo: #NakakaProud: Pinoy BTS at EXO fans nagtayo na rin ng mga community pantry
Sa kanyang pagpasok, dito niya makikita si Jung-a (Won Jin-a), kapwa estudyante at piyanista rin, na buong pusong tumutugtog ng piano.
Dahil parehas na mahilig sa musika at pagtugtog ng piano, magkakapalagayan ng loob at magkakalapit sina Yu-jun at Jung-a, at dahil madalas din silang magkasama, ‘di kalaunan ay mahuhulog na rin sila sa isa’t isa.
Pero kahit na tunay at tapat ang nararamdaman nila, pipigilan ni Jung-a ang sarili at tatanggihan ang pagmamahal ni Yu-jun.
Dahilan niya ay may sikreto tungkol sa kanyang pagkatao na hindi dapat malaman ni Yu-jun at dahilan din ito kung bakit hindi puwedeng maging sila.
Ano kaya ang sikretong ito ni Jung-a? At hanggang kailangan nito gagawing miserable ang mga puso nila?
Panoorin kung paano ipaglaban ni Yu-jun si Jung-a, at kung paano nila harapin at kayanin ang lahat at kahit na ano, kahit na ang imposible, para sa ngalan ng pag-ibig.
Napanood na namin ang movie sa ginanap na premiere night nitong nagdaang Lunes sa Cinema 2 ng SM Megamall na dinaluhan ng ilang K-drama fanatics at mga celebrities kabilang na ang Kapuso actor na si Gabby Eigenmann.
In fairness, maganda at exciting ang tema ng pelikula at kakaiba rin ang atake ng direktor sa pagpapakilig, pagpapaiyak at pagpapa-in love ng audience.
Feeling namin, na-enjoy ng lahat ng nasa sinehan ang pelikula base sa tilian, palakpakan at tawanan na nasaksihan namin. E, kasi naman ang galing din talagang magpakilig ni Doh Kyung-soo na kahit kanino itambal ay pak na pak talaga.
Kaya sa lahat ng mga Pinoy K-movie lovers at EXO fans, sugod na sa mga sinehan, i-book na ang inyong movie tickets at i-treat ang sarili ngayong love month with “SECRET: Untold Melody”, now na!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.