Sa paglipas ng mga taon, may ilang mga kilalang personalidad ang sumubok ng ibang landas sa labas ng showbiz.
Ngunit sa kabila nito ay tila hindi pa rin nila maiwan-iwan ang kanilang buhay sa mundo ng entertainment industry – sa entablado man o telebisyon.
Kaya naman, tuklasin natin ang mga bituin na nagpahinga at ngayon ay nagbabalik sa showbiz upang lalong magbigay-saya sa kanilang mga tagahanga.
Baka Bet Mo: Angelica balak mag-showbiz comeback sa 2024: ‘Ngayon nakapila lang ang scripts, offers sa ‘kin’
Gloria Diaz
Makalipas ang isang taon, nagkaroon ng comeback film ang dating beauty queen at batikang aktres na si Gloria Diaz.
Pinagbidahan niya ang “Lola Magdalena” at ang kanyang role ay ang pagiging albularyo sa umaga at pokpok naman sa gabi.
Kasama niya sa pelikula ang ilang veteran stars na sina Perla Bautista, Pia Moran, Liza Lorena, pati na rin ang aktres na si Sunshine Cruz.
Matatandaang huling lumabas sa telebisyon si Gloria noong 2022 sa Kapamilya teleserye na “2 Good 2 Be True” na pinagbibidahan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.
Jennylyn Mercado
Nagbabalik-telebisyon ang aktres na si Jennylyn Mercado matapos ang dalawang taong pahinga mula nang manganak.
Noong Mayo, ibinunyag ng aktres na may bago siyang ie-endorso at pelikulang offer sa kanya.
Matatandaan noong Abril nang kinumpirma ni Jennylyn na malapit na siyang masilayan sa telebisyon matapos tanungin ng isang fan sa social media.
Kinumpirma ng aktres na babalik siya sa GMA teleserye na “Love. Die. Repeat.”
Ang showbiz comeback ni Jennylyn ay unang ibinalita ng aktres noong nakaraang taon matapos siyang tanungin ng entertainment correspondent na si Nelson Canlas sa isang podcast interview.
Baka Bet Mo: #PaalamNa: Pagbibigay-pugay sa mga celebrity, bigating personalidad na pumanaw ngayong 2022
“Malapit na. First quarter next year,” sey ni Jennylyn kay Nelson.
Matatandaan noong October 2021 nang mabalitaang nagdadalang-tao si Jennylyn kasabay ng kanyang taping sa GMA teleserye na “Love. Die. Repeat.”
Dahil diyan, itinigil muna ang pagbuo ng nasabing teleserye at pinagpahinga muna siya.
Isinilang ng aktres ang first baby nila ng aktor na si Dennis Trillo noong Mayo ng nakaraang taon.
Vilma Santos
Nagbabalik big screen ang tinaguriang “Star For All Seasons” na si Vilma Santos.
Pinagbibidahan niya ang isa sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2023 entry na pinamagatang “When I Met You In Tokyo.”
Ito rin ang unang pelikulang magkatambal sila ng batikang aktor na si Christopher de Leon matapos ang 14 years.
Bukod kay Christopher, tampok rin sa nasabing pelikula sina Darren Espanto, Cassy Legaspi and Kakai Bautista.
Ang huling pelikula ni Vilma ay ang “Everything About Her” na ipinalabas noon pang 2016.
Ilan pa sa mga iconic roles ng batikang aktres ay ang “Darna” at “Dyesebel.”
Snooky Serna
Nagbabalik bilang Kapamilya ang veteran actress na si Snooky Serna sa pamamagitan ng latest ABS-CBN at TV5 drama series na “Pira-pirasong Paraiso.”
Mahigit isang dekada na nang huling mapanood si Snooky sa Kapamilya Network, yan ay sa 2011 TV series na “Angelito: Batang Ama” at sa sequel nitong “Angelito: Ang Bagong Yugto” noong 2012.
At nitong taon nga ay muling napanood ang award-winning actress sa nasabing series ng Dreamscape Entertainment na unang collaboration ng ABS-CBN at TV5.
Bida sa “PPP” bilang mga long-lost sisters sina Alexa Ilacad, Charlie Dizon, Elisse Joson, at Loisa Andalio.
JC Santos
Makalipas ang tatlong taon, muling binalikan ng aktor na si JC Santos ang kanyang first love pagdating sa karera –ang pagiging theater actor.
Bumida siya sa restaging ng Tony-winning play na pinamagatang “Red” noong Hunyo.
Ginampanan niya ang karakter bilang expressionist painter na si Mark Rothko.
Ayon kay JC, ang pagsabak niya sa pagta-teatro ang naghahasa sa kanyang acting skills.
Kwento niya, inabot siya ng tatlong buwan upang mapag-aralan ang kanyang role dahil malayong-malayo ito sa kanyang personality.
Jericho Rosales
Apat na taon nagpahinga mula sa showbiz ang hunk actor na si Jericho Rosales, at this year nga ay muli siyang nagbabalik.
Sa interview with Inquirer Entertainment, sinabi ng aktor na tuwang-tuwa siya dahil nakabalik na siya sa trabahong minahal niya.
Baka Bet Mo: #Pasabog2023: Celebrities na nagmahal at nauwi sa bonggang kasalan
“I’m happy to have a job that I really love, but there was a time when it lost its meaning. I had to take a break from it to really get to know myself, and this took years,” sey ni Jericho.
Ang nagsilbing comeback niya sa industriya ay ang kanyang performance sa Metropolitan Theater na naganap noong Mayo.
Tampok siya sa tribute concert na pinamagatang “Contra Mundum: Ang All-Star Concert ng ‘Ang Larawan.’”
Ipinagmamalaki, aniya, niya na maging parte ng theater show dahil nagbibigay-pugay ito sa national artists ng bansa.
Lea Salonga
Excited na bumalik sa entablado ang music icon na si Leo Salonga this year.
Nagtanghal siya sa broadway musical na may titulong “Here Lies Love” na ipinalabas noong Hulyo hanggang Agosto.
Ang play ay tungkol sa buhay ng dating first lady na si Imelda Marcos.
Sa social media, inanunsyo ng batikang singer na siya ang gumanap bilang si Aurora Aquino, ang ina ni senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr.
Bukod sa pagiging performer, proud niya ring ibinandera na siya rin ang broadway producer ng nasabing musical play.
Ilan lamang sa mga pinagbidahang broadway musical ni Lea ay ang “Miss Saigon” noong 1991 at “Les Miserables” noong 1993 at 2006.
Enrique Gil
After three years hiatus, nagbabalik sa showbiz ang aktor na si Enrique Gil.
Pinagbidahan niya ang comedy film na “I am not Big Bird” na isinagawa ang taping sa Thailand.
Bukod diyan, ibinunyag din ni Enrique na may mga kasunod pa siyang mga proyekto na dapat abangan din ng fans.
Kwento niya, “Meron [pang mga susunod na aabangan]. I have one concept that I really want to work on. ‘Yun talaga ‘yung matagal ko ng konsepto na I really want to bring it to life.”
“And then there’s one other movie I am doing, will be shot in Finland, comedy again. We will be launching it soon so hindi ko pa pwede sabihin. But we are moving,” ani pa niya.
Nabanggit din ng aktor na umaasa siyang magkakaroon din siya ng teleserye with ABS-CBN, lalo na’t may inihain siyang konsepto na nais niyang gawin.
Ang “I am not Big Bird” ay nakatakdang ipalabas sa taong 2024.
Marian Rivera
Isa pa sa mga inabangan ay ang batikang aktres na si Marian Rivera na bida ngayon sa romantic drama film na “Rewind.”
Bukod sa entry ito sa MMFF 2023, Ito rin ang reunion movie nila ng kanyang mister na si Dingdong Dantes.
Kung maaalala, noong Enero lamang ay ibinunyag ni Marian na may niluluto nang proyekto para sa kanya.
Nabanggit pa ng aktres na bagamat looking forward siya sa kanyang showbiz comeback ay tiniyak pa rin niya na top priority pa rin niya ang kanyang pamilya.
Matatandaang taong 2018 pa nang huling gumanap sa isang teleserye si Marian bago niya isilang ang ikalawang anak na si Sixto.
Daniel Padilla
Tatlong taon matapos pagbidahan ang award-winning movie na “Kun Maupay Man It Panahon,” full force ang pagbabalik ng aktor na si Daniel Padilla sa big screen.
Sa isang panayam, nabanggit ni Daniel na maraming proyekto ang inoffer sa kanya at ito ay sinimulan na niyang gawin.
Isa na riyan ang pelikulang “Kamatayan” na mula sa direksyon ni Dan Villegas.
Bukod diyan, ibinunyag din ni Daniel na may project din siya with Venice Best Actor John Arcilla, pero hindi pa raw niya ito pwedeng idetalye.
Ayon sa kanya, isang dream come true ang makatrabaho ang batikang aktor.
Kathryn Bernardo
Opisyal na nagkaroon ng comeback sa big screen ang award-winning actress na si Kathryn Bernardo.
Mapapanood na talaga namang powerful at kakaibang Kathryn ang nasilayan sa kanyang latest project.
Ang tinutukoy namin diyan ay ‘yung comeback movie niya na “A Very Good Girl” kasama ang Golden Globes 2023 nominee na si Dolly De Leon.
Matatandaan noong Mayo, ipinasilip ni Kathryn ang kanyang mga pelikula na gagawin sa kanyang pagbabalik.
Maliban sa “A Very Good Girl,” nakatakda rin siyang bumida sa period drama na “Elena 1944” na ipapalabas sa taong 2024.
Taong 2019 nang huling masilayan sa big screen si Kathryn sa pelikulang “Hello, Love, Goodbye” na talaga namang naging hit sa box-office.
Nakatambal niya riyan ang binansagang Pambansang Bae na si Alden Richards.
Michelle Dee
Pagkatapos ng kanyang Miss Universe journey, nakatakda an ring bumalik sa mundo ng showbiz ang beauty queen-actress na si Michelle Dee.
Ito ay kinumpirma niya mismo sa kanyang X (dating Twitter) account noong Nobyembre lamang.
Wala pang idinetalye ang beauty queen, pero ayon sa kanya ay isang espesyal na role ang kanyang gagampanan sa isang show.
Kung maaalala, noong November 25 nang nakauwi na sa Pilipinas si Michelle matapos magtapos bilang Top 10 finalists sa Miss Universe 2023 competition na ginanap sa El Salvador.
Ang huling karakter na ginampanan ni Michelle ay bilang “Freya” sa GMA series na “Mga Lihim ni Urduja.”
Taong 2021 nang makuha ni Michelle ang kauna-unahan niyang acting award na “Best New Movie Actress of the Year” sa 36th PMPC Star Awards for Movies dahil sa mahusay niyang pagganap sa pelikulang “Because I Love You.”
Sarah Lahbati
Bago matapos ang taon, ibinandera ng actress-model na si Sarah Lahbati ang kanyang official TV comeback matapos mamahinga sa showbiz industry.
Sa social media, proud niyang ibinahagi ang kopya ng script ng proyekto na gagawin niya sa TV5.
Ito ang remake ng pelikulang “Lumuhod Ka Sa Lupa” na pinagbidahan dati ng yumaong si Rudy Fernandez noong 80s.
Kung maaalala, huling bumida si Sarah sa mga proyektong “Kamandag ng Droga” at “Pagsanib kay Leah dela Cruz” na ipinalabas noong 2017.
Sa kaparehong taon na ‘yan nang magsimulang mamahinga sa showbiz ang aktres upang matutukan ang pag-aalaga sa panganay na anak nila ni Richard Gutierrez.
Sa sumunod na taon ay nanganak si Sarah sa ikalawa nilang anak.