Alden lelebel sa ‘talento’ ni Coco; Heaven pak na pak na Calendar Girl
“ONE of the best directors I’ve ever had!” Yan ang dialogue ng award-winning actress na si Heaven Peralejo patungkol kay Alden Richards.
Yes! Lelebel na rin ang Asia’s Multimedia Star at Pambansang Bae sa Kapamilya Teleserye King na si Coco Martin sa pagiging aktor, direktor at producer.
Bukod sa pagbibida sa pelikulang “Out Of Order”, si Alden din ang direktor at producer nito kung saan for the first time nga ay makakasama niyang bilang leading lady si Heaven.
View this post on Instagram
Ayon kay Alden, perfect si Heaven sa naturang project at naniniwala siya na mabibigyan ng dalaga ng hustisya ang kanyang role sa kanilang pelikula.
Sey naman ni Heaven sa unang collab nila ni Alden, “Exciting! Alden is… he’s a first-time director pero he knows what he wants. He’s really like one of the best directors I’ve ever had.”
Ang “Out Of Order” ay collaboration project ng Viva Films, Studio Viva at Myriad Entertainment na pagmamay-ari ni Alden.
Samantala, kamakailan naman ay ipinakilala na si Heaven bilang 2024 Calendar Girl ng Ginebra San Miguel sa isang media launch na ginanap sa The Westin Manila, Mandaluyong City.
Ang inaabangang launch ay parte ng pagdiriwang ng ika-190 taong anibersaryo ng tinaguriang pinakamatagal na gin brand sa Pilipinas.
Si Heaven ay kilala sa kanyang pagganap sa pelikulang “Nanahimik ang Gabi” kung saan siya nanalo bilang Philippines Best Actress sa Asian Academy Creative Awards. Bukod pa riyan sa hit series na “The Rain in España.”
“Isang magandang milestone sa aking buhay na maging bahagi ng GSM. Noong ako’y 18 taong gulang, ang gin bilog na may pineapple juice ang aking unang natikman.
“Kaya para sa akin, ito’y dream come true dahil ang unang na-enjoy ko na inumin ang naging kauna-unahang major endorsement ko,” ani Heaven.
Sa temang “Philippine Fiesta,” ipinakikita ng 2024 edition ng naturang kalendaryo si Heaven sa loob ng anim na makukulay na disenyo gamit ang piyesta bilang inspirasyon – Panagbenga, Lantern, Higantes, Pintados, Kadayawan, at Masskara. Ang mga ito ay repleksyon sa masiglang kultura ng mga piyesta sa Pilipinas.
View this post on Instagram
“Bahagi na ng kultura ng pag-inom ng mga Pilipino ang Ginebra, lalo na tuwing may okasyon gaya ng mga piyesta. Hindi magiging buo ang selebrasyon ng mga Pinoy kung wala ito,” dagdag pa niya.
Ayon kay GSMI Marketing Manager Ron Molina, ang kanilang 2024 Calendar ay nagsisilbing simbolo ng pag-asa, pagkakaisa, at ang matibay na paniniwala na may mas magandang kinabukasan na naghihintay.
“Sa pagharap natin sa 2024, inilalarawan namin ang isang senaryo kung saan ang mga epekto ng pandemya ay malayong alaala na lamang.
“Naniniwala kami na ang pinakamabisang paraan para magpatuloy sa buhay ay ang pagyakap sa isang kinabukasan na puno ng mga selebrasyon, gaya ng mga masasayang piyesta na natatangi sa ating kultura,” ani Ron.
Para kay GSMI Group Product Manager Paolo Jose Tupaz, si Heaven ay isang “captivating” at “talented” na aktres na perpektong sumasalamin sa mga katangian ng kanilang brand.
Ilan sa mga naunang Calendar Girl nila ay sina Marian Rivera (2009 at 2014), Anne Curtis (2011), Solenn Heusaff (2012), Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach (2019), Sanya Lopez (2020), Christelle Abello (2021), Chie Filomeno (2022), at Yassi Pressman (2023). Sumusunod si Heaven sa yapak ng kanyang tiyahing si Rica Peralejo, na naging Calendar Girl din noong 2002.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.