Nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon hindi pa rin natatagpuan, pangako ng pamilya: ‘Hindi kami titigil hangga’t hindi ka nahahanap’
NAGSAGAWA na ng “flash alarm” ang mga operatiba ng Tuy Police Station sa Batangas para matukoy ang kinaroroonan ng nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin nagpapakita o nagpaparamdam man lang si Catherine sa kanyang pamilya at kamag-anak makalipas ang halos isang linggo.
Mula pa noong Biyernes ng gabi, October 13, ay hindi na nila makontak ang dalaga, na naging kandidata sa Miss Grand Philippines 2023 na ginanap last July.
Base sa report ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, napag-alaman na bandang 6 p.m. noong Biyernes nang magpaalam sa kanyang ina si Catherine.
Baka Bet Mo: Babaeng may third eye ginagambala raw ng ‘demonyo’, suot na rosaryo laging napuputol kapag nasa loob ng banyo
Tutungo raw ito sa Batangas City at meron daw imi-meet. May nabanggit daw si Catherine na pangalan pero hindi na raw ito matandaan ng kanyang pamilya.
Ayon sa huling mensahe ng dalaga sa kanyang pamilya, nasa isang gasoline station siya sa Bauan, Batangas sakay ng isang SUV. Ngunit makalipas ang ilang oras ay hindi na nga nila makontak si Catherine.
View this post on Instagram
“Simula nga ho noong mauso ‘yang cellphone na ‘yan, ‘yang internet, wala ho siyang araw na hindi siya nagsasabi ng, ‘ina nandito ako, ina ako ay nakain.’ Ganyan ho updated ho siya,” ang pahayag ng nanay ni Catherine na si Rosario Camilon.
Nitong nagdaang araw ay kaarawan ni Gng. Rosario kaya muli siyang nanawagan kay Catherine, “Anak, ikaw ay umuwi na. Kung nasaan ka man, sana ikaw ay maayos, sana’y ligtas ka. Umuwi ka na anak at ikaw ay hinihintay na namin.
“Birthday ng ina eh, ‘yun lang ang gawing mong pa-birthday sa akin. Anak, umuwi ka na, kami’y naiinip nang ikaw ay makita. Miss na miss ka na namin, anak,” mensahe pa ni Gng. Rosario.
Ayon naman kay Police Major Nepthali Solomon, ang hepe ng Tuy Police station, nagsagawa na sila ng “flash alarm” para mahanap si Catherine.
Agad ding humingi ng kopya ng CCTV footage ang pulisya sa huling lugar na binanggit ni Catherine na kanyang kinaroroonan ngunit sa kasamaang-palad walang CCTV ang gasolinahan na nakalagay sa mensahe ng dalaga.
Magsasagawa rin ng backtracking ang pulisya para ma-trace ang mga lugar na pinuntahan ni Catherine.
Samantala, sa huling post ng kapatid ni Catherine na si Chin-chin Camilon, sinabi nito na hindi sila titigil hangga’t hindi nila nahahanap ang nawawalang dalaga.
“Hindi kami titigil hanggat hindi ka nahahanap, hinahanap ka namin, alam ko alam mo yan,” sabi ni Chin-chin.
“I love you at miss na miss na kita,” aniya pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.