Child star Althea Ruedas ilang beses naligwak sa mga audition: ‘Pero hindi po ako nag-give up kasi parang nilaglag ko na rin ang sarili ko’
ITINUTURING nang isang important star sa showbiz ang promising child actress na si Althea Ruedas dahil sa galin niyang umarte.
Sa loob lamang ng isang linggo, dalawang beses naming nakachikahan ang bagets sa magkahiwalay na presscon – una para sa pelikula nila ni Jerald Napoles na “Instant Daddy” under Viva Films at sa finale presscon ng ABS-CBN action series na “The Iron Heart.”
Ang bongga ni Althea, devah! At in fairness, napakasarap ding kachikahan ng bata dahil magaling din siyang sumagot sa mga tanong – sabi nga namin sa kanya parang matanda na siyang mag-isip at magsalita.
View this post on Instagram
Sa mga hindi pa nakakaalam, si Althea ang batang kasama ni Baron Geisler sa Netflix Original Movie na “Doll House” kung saan umani siya ng papuri mula sa mga manonood.
Siya rin ang itinanghal na first runner-up sa “Little Miss Philippines 2019” ng “Eat Bulaga” at naging grand champion din sa “Little Miss Diva” last year dahil naman sa galing niya bilang singer.
“Masaya ang experience sa pag-aartista kasi gustung-gusto ko po talaga. Kapag wala po akong shooting, hinahanap po ng katawan ko.
Baka Bet Mo: 4 na bida ng ‘Prima Donnas’ keribels nang magka-loveteam pero handa na bang magka-boyfriend?
“Dati po, nu’ng wala akong shooting, sabi ko kay Mama, ‘Mama, maghanap ka nga po ng mapagsyusyutingan. Yung commercials po.’ Hindi po ako pinilit mag-artista. Actually, ako po yung pumilit kina Mama.
“Na-amaze po ako kung paano umarte ang mga artista. Paano nila nagagawa yung isang karakter kahit hindi naman po sila yon,” sey ni Althea sa solo presscon na ibinigay sa kanya ng Viva Films para sa pelikulang “Instant Daddy”.
Siya ang gaganap na anak ni Jerald Napoles sa Philippine adaptation ng nasabing blockbuster Mexican movie.
Knows n’yo ba na sa edad na tatlo ay naka-experience na rin si Althea ng rejection dahil hindi siya nakakapasa sa audition para sa mga commercial?
Ngunit hindi nasiraan ng loob ang bagets na ipagpatuloy ang kanyang pangarap, “I started at three years old po,” umpisang kuwento ng 10-year-old actress tungkol sa pagsisimula ng kanyang showbiz career.
“Nu’ng three years old po ako, six months na sumasali ako sa mga audition sa commercials, wala po talagang tumatanggap sa akin.
“Then may tumanggap po sa akin, isang fastfood brand, binigyan po nila ako ng tatlong projects,” aniya.
Pagbabahagi naman ng nanay ni Althea na present din sa presscon ng anak, “Marami na po ang auditions na sinalihan niya. Ayoko na nga po, siya lang ang may gusto.
“Kapag hindi siya natatanggap, mas naaapektuhan ako. Sabi ko, ‘Anak, hindi ka nakuha.’ Sabi niya, ‘Okay lang po, may next pa po,'” chika ng nanay ng child actress.
Sey naman ni Althea, “Nu’ng three months na po kaming nag-o-audition, sabi ni Mama, ‘Anak, ang dami na nating sinalihan, wala naman kumukuha sa yo. Tigilan na natin ito.’
“Sabi ko, ‘Mama, intay-intay lang po. Meron din yan, mag-pray lang tayo,’” aniya pa.
“Ganu’n po talaga ako. Pag gusto ko po talaga dapat magawa ko po yun. Hindi po ako maggi-give up kasi parang nilaglag ko na rin po yung sarili ko. Yun po yung feeling ko.
“Kapag gusto ko po. Hindi po ako napapagod. Kahit yung from 6 a.m. kahit hanggang 6 a.m. po ng kinabukasan ulit kaya ko po yan. Basta po gusto ko yun,” ang pahayag pa ni Althea.
Iikot ang kuwento ng “Instant Daddy” sa buhay ng isang binatang umiiwas sa pag-aasawa ang hindi makakatakas sa pag-aalaga ng anak.
Ang “Instant Daddy” ay isang family drama-comedy na pinagbibidahan nga ni Jerald Napoles bilang Val Roxas, at Althea Ruedas, ang anak niyang si Mira.
Dahil lumaki siyang hiwalay ang kanyang mga magulang, ipinangako ni Val na hindi siya matutulad sa kanila. At para matupad ‘yon, sisiguraduhin niyang hindi magkaroon ng seryosong karelasyon. Dala-dala pa rin niya ang sama ng loob sa kanyang nanay na nang-iwan sa kanya sa tatay niyang sobrang istrikto.
Naging taxi driver si Val sa Maynila. Iba’t-ibang babae ang nakikilala niya at nakakasiping. Isa dito si Julie, isang spa therapist. Makalipas ang isang taon, nagpakita si Julie na may dalang bata na anak daw ni Val at bigla na lang itong iniwan sa kanya.
Kahit ayaw niya, napasubo na si Val sa pagpapalaki kay Mira hanggang sa natutunan niya na itong mahalin nang todo. Si Mira ay lumaking kagiliw-giliw. Siya ang nagbibigay-lakas kay Val.
View this post on Instagram
Tulad ni Val, naniniwala rin ito sa mundo ng pantasya. Pero kahit nabuhusan siya ng pagmamahal ni Val, nananabik pa rin ang bata sa pagmamahal ng isang ina.
Ngayon, nagbabalik si Julie para kunin si Mira. Magpaparaya ba si Val o ipaglalaban ang kanyang karapatan sa kanyang anak? Magiging “instant lonely” ba ang ating “Instant Daddy”?
Mula sa award-winning director at screenwriter na si Crisanto Aquino (Write About Love), kasama rin sa pelikulang ito si Danita Paner bilang Julie, si Ryza Cenon bilang love interest ni Val na si Kate, at sina MC Muah at Nikko Natividad bilang mga kaibigan ni Val.
Palabas na sa mga sinehan nationwide ang “Instant Daddy” sa October 4.
By the way, natanong din pala si Althea kung kumusta ang pagsasama nila ni Jerald sa “Instant Daddy”, “Ang saya po because all the time, he makes jokes po.
“Tinutulungan niya po ako kapag nahihirapan po ako sa parts na nabibilisan ko ang pagsasalita. Sinasabihan niya ako ng ‘Idahan-dahan mo lang ‘yon,’” aniya pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.