JM de Guzman ‘willing to wait’ ang drama sa panliligaw kay Donnalyn: ‘Napapawi ang inip ko kapag nakikita ko siya’
“WILLING to wait” ang drama ng Kapamilya actor na si JM de Guzman sa ginagawa niyang panliligaw sa aktres at content creator na si Donnalyn Bartolome.
Tuluy-tuloy lang si JM sa panunuyo kay Donnalyn at umaasa raw siya na sana’y dumating din yung araw na maibigay na sa kanya ng dalaga ang pinakamimithing matamis na “oo.”
Ilang buwan na rin siyang pumoporma sa singer-vlogger pero sabi ng aktor, hindi naman siya nakakaramdam ng pagkainip.
“Okay naman. Nanliligaw pa rin. Siyempre, kapag may gusto kailangang ipaglaban,” ang pahayag ni JM na mapapanood sa YouTube channel ng ating colleague na si Kiko Escuadro.
Nakangiti pang sabi ng aktor tungkol sa kanyang paghihintay sa sagot ni Donnalyn, “Napapawi ang inip ko kapag nakikita ko siya.”
Inisa-isa rin ni JM ang mga qualities na nagustuhan niya kay Donnalyn, “She’s a very caring person, very sincere. Di ko alam, e, nai-inspire ako sa kanya.”
Tungkol naman sa mga kontrobersya at issue na kinasangkutan ni Donnalyn dahil sa kanyang mga video sa YouTube, paano niya dinadamayan si Donnalyn kapag bina-bash siya ng mga netizens.
“Hindi na niya masyadong…yun nga ang nakaka-proud sa kanya. Hindi siya nagpapaapekto, pinapalabas niya sa isang tenga.
“She learns from kung anuman ang ilatag sa kanya, ibangga sa kanya. Hindi rin ako masyadong nag-o-open up ng mga ganung bagay kasi sa kanya yun, pero nandu’n ako to lend an ear,” sabi pa ni JM.
In fairness, sinuswerte ngayon si JM sa kanyang career. Pagkatapos niyang umariba sa Kapamilya action-drama series na “The Iron Heart”, aariba uli siya sa bagong ABS-CBN serues na “Linlang”.
Makakasama niya rito sina Maricel Soriano, Kim Chiu at Paulo Avelino. Paglalarawan niya sa kanyang role sa serye, “Shady ang character ko du’n, medyo dark.
“Nae-enjoy ko in a way na medyo mas nagiging creative ako, mas nagiging free ako, kasi yung boundaries ko parang lumalalawak,” sey pa ni JM.
Pahabol pa niya, “Pero nakakapagod.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.