Nadine maraming offer na teleserye pero kailangang maging ‘choosy’; sasabak na sa shooting ng ‘Nokturno’ na planong ilaban sa MMFF 2023
MAY mga natatanggap na offer ang award-winning actress na si Nadine Lustre na bumida uli sa mga teleserye pero wala pa raw siyang nagugustuhan sa mga ito.
Ilang taon na ring hindi napapanood si Nadine ng kanyang mga fans sa isang drama series kaya naman iisa ang tanong ng mga ito – kailan kaya uli siya gagawa ng TV o digital series.
Sa naganap na storycon para sa bago niyang pelikula, ang horror film na “Nokturno” mula sa Viva Films, natanong namin si Nadine kung hindi ba niya nami-miss ang teleserye at kung meron bang alok sa kanya na umarte uli sa TV.
“Meron naman pong mga naging offer before pero kailangan ko po kasing mamili. Kasi, medyo taxing din po talaga ang teleserye. So, yun po, may offer naman pero kailangang piliing mabuti,” pahayag ni Nadine.
Ang huli pang TV series ng dalaga sa ABS-CBN ay ang “Till I Met You” five years ago kasama ang kanyang ex-boyfriend at dating ka-loveteam na si James Reid.
I’d be happy to be working on movies for now because I remember how every day kasi medyo hectic din yung schedule kapag teleserye. I like how my work is right now, na meron akong time makapag-travel. So happy ako for now,” ang sabi naman ni Nadine sa isang panayam.
Samantala, after ng matagumpay na pelikulang “Deleter” ni Nadine sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2022, muli siyang binigyan ng bagong horror movie ng Viva Films, ito ngang “Nokturno.” Ito’y ididirek ni Mikhail Red, na siya ring nasa likod ng “Deleter.”
Mula sa kanyang pagkapanalo bilang Best Actress sa FAMAS Awards nito lamang Agosto para sa pelikulang “Greed”, sisimulan na ni Nadine ang shooting ng “Nokturno.”
Iikot ang istorya sa sumpa ng “Kumakatok”, mga nilalang na matangkad, payat, at may mahahaba at mapuputlang daliri, nakasuot ng belo at hindi maaninag ang mukha.
Kapag kumatok sila sa bahay sa kadiliman ng gabi, pinaniniwalaang sila’y may dalang sumpa. Sa loob ng tatlong araw, ang taong nagbukas ng pinto o ang kanyang mahal sa buhay ay mamamatay.
Ito ang ikalawang pelikula nina Direk Mikhail at Nadine matapos mga ang box-office hit at MMFF Best Picture na “Deleter”, kung saan nagwagi rin sila bilang MMFF Best Director at Best Actress.
Sa “Nokturno”, si Nadine ay gumaganap bilang si Jamie, isang OFW sa Dubai. Umalis siya sa bayan ng San Sebastian dahil sa mapait na nakaraan at sa kanyang inang tila may problema sa pag-iisip.
Pero nang mamatay ang kanyang kapatid na si Joanna, napilitan siyang umuwi para alagaan ang batang kapatid na lalaki at para malaman ang sagot sa mga katanungan.
Ginagampanan ni Bea Binene, si Joanna ay sumusunod sa yapak ni Jamie. Kasama ng kanyang nobyo na si Manu, iiwan na niya ang kanilang bayan para makalayo na rin sa nanay niyang si Lilet.
Ngunit sa gabi ng kanilang pag-alis, darating ang Kumakatok at kukunin ang buhay ni Joanna. Malalaman ito ni Jamie kaya tutuklasin niya ang misteryo sa likod ng sumpa, habang inaayos ang nasira nilang relasyon ng kanyang ina.
Ang Gawad Urian Best Actress na si Ms. Eula Valdez ang gaganap naman bilang si Lilet. Nalugmok ito nang mamatay ang kanyang asawa. Naniniwala siyang ito ay dahil sa sumpa ng Kumakatok at gusto niyang protektahan ang kanyang pamilya laban dito.
Kaya tutol siya sa pag-iimbestiga ni Jamie dahil maaari nitong malagay sa panganib ang pamilya nila. Sa kabila ng di pagkakaunawaan, kailangan nilang magtulungan para labanan ang sumpa.
Kasama rin si JJ Quilantang bilang Julius, ang 13 anyos na kapatid ni Jamie. Tila di na bata kung mag-isip at kumilos si Julius. Dahil sa naranasan niyang trauma sa pagkalagas ng kanilang pamilya, itinutuon niya ang atensyon sa pangongolekta ng insekto.
Kasama rin sa pelikulang ito sina Wilbert Ross bilang Manu, ang boyfriend ni Joanna na halos mawala sa katinuan pagkatapos niyang masaksihan ang kamatayan ng girlfriend, at si Ku Aquino sa papel na Tito Jun, ang kapitan ng barangay at kapatid ni Lilet. Hawak niya ang isang mahalagang impormasyon na maaaring magamit ni Jamie.
Ang “Nokturno” ay nakatakdang ipalabas bago matapos ang taon, handog ng Evolve Studios at Viva Films. Umaasa ang buong production na mapapasama sa MMFF 2023 ang pelikula.
Related Chika:
Ryan Bang nakatanggap ng offer mula sa isang Korean entertainment group, mas pinili ang Pilipinas
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.