Nadine Lustre suportado si Leila De Lima, ML party-list: ‘May laban tayo!’

PHOTO: Facebook/Leila De Lima
IBINANDERA na ng award-winning actress na si Nadine Lustre kung sino ang ineendorso niya sa darating na midterm elections sa Mayo.
Ang kanyang sinusuportahan ay si dating Senador Leila de Lima, pati na rin ang party-list group nito na Mamamayang Liberal (ML).
Sa isang Facebook post, mapapanood ang video ni Nadine na kinakampanya ang ML at si De Lima na dumanas ng kawalang-katarungan sa nakalipas na administrasyon.
“Real talk. Sawa na ba kayo? Sawa na sa mga abusado sa kapangyarihan? Sa mga nasa pwesto na hindi marunong magpaliwanag kung saan napunta ang pera ng bayan? At yung drama?” bungad niya sa campaign video.
Baka Bet Mo: Sharon Cuneta kay Sen. Leila de Lima: We need you more out here
Patuloy niya, “Okay lang sa pelikula at TV, pero ‘pag sa gobyerno na? Ibang usapan na ‘yan. Nakakapagod. Pero, may laban tayo.”
“Si Manay Leila De Lima, ilang taong kinulong nang walang kasalanan, pero lumaban,” sambit ng aktres.
Aniya pa, “Ngayon, kasama niya ang ML party-list para ipaglaban ang katarungan, pananagutan at tunay na representasyon.”
Bandang huli, nag-pose si Nadine na tila naka-high five ang isang kamay, habang ang kabila ay naka-thumbs up para sa number six, na numero ng ML party-list sa balota.
Maliban kay De Lima, ang ilan pang tatakbo sa ilalim ng ML ay ang dating representatives na sina Teddy Baguilat at Erin Tañada.
Kung matatandaan, ang inendorso ni Nadine noong 2022 during presidential elections ay si dating Vice President Leni Robredo, ngunit siya ay natalo ni Pangulong Bongbong Marcos.
Sa kasalukuyan, si Robredo ay tumatakbong mayor sa Naga City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.