Bagyong Goring posibleng maging ‘typhoon’ sa darating na weekend – PAGASA
POSIBLE pang lumakas ang bagyong Goring sa mga susunod na araw.
‘Yan ang babala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa kanilang press briefing kaninang tanghali, August 24.
Base sa latest report ng weather bureau, huling namataan ang bagyo sa layong 355 kilometers East Northeast ng Calayan, Cagayan o 300 kilometers silangan ng Basco, Batanes.
Taglay nito ang lakas na hanging 55 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 70 kilometers per hour.
Kasalukuyang kumikilos ang bagyo sa bilis na 15 kilometers per hour papunta sa hilaga.
Baka Bet Mo: El Niño idineklara na sa bansa, magtatagal hanggang 2024 –PAGASA
Ayon sa weather forecaster na si Lorie Dela Cruz, inaasahan na magiging isang ganap na “typhoon” ang bagyo pagdating ng weekend.
“Kaninang alas dos ng umaga ay nabuo nga po ito bilang ganap na bagyo from LPA or Low Pressure Area,” sey ni Lorie.
Paliwanag niya, “In the next 48 hours or two days from now, inaasahan natin na mag-iintensify ito into a Severe Tropical Storm.”
“In the next 72 hours or three days from now, malaki ang tsansa na ang sentro nito ay nasa layo na po ng 320 kilometers silangan ng Tuguegarao City, Cagayan bilang isang Typhoon at that time,” dagdag pa niya.
Aniya pa, “So kung makikita natin sa progression ng bagyo, malaki ang tsansa na mag-iintensify pa o lalakas pa po ito sa mga susunod na araw.”
Sa ngayon ay wala pang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal sa bansa, pero posible raw magtaas ang PAGASA mamayang gabi o bukas.
“Posible na tonight o bukas ay posible pong magtaas na ng [Tropical Cyclone Wind] Signal, lalo na kung mag-westward ang direksyon ng bagyo sa mga susunod na oras,” ani ng weather forecaster.
Wala pa masyadong epekto ang bagyo, pero asahan pa rin ang mga pag-ulan dahil sa umiiral na Southwest Monsoon o Hanging Habagat.
“Kung mapapansin din natin, ‘yung Southwest Monsoon ay patuloy na nakakaapekto sa bahagi ng ating bansa at base sa ating latest satellite, concentrated ang mga pag-ulan dito sa western section ng Luzon at maging ilang bahagi ng Visayas,” sambit ni Lorie.
Dahil sa nasabing weather system, asahan ang kalat-kalat na pag-ulan sa Visayas, MIMAROPA, Bicol Region, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, at BARMM.
Magdudulot din ito ng mahinang ulan sa Metro Manila.
Samantala, ang “trough” o buntot ni Bagyong Goring ay magpapaulan naman sa Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region.
Nabanggit din ng PAGASA na binabantayan din nila ang isa pang sama ng panahon sa labas ng ating bansa, pero maliit lang ang tsansa nito na maging bagyo.
Read more:
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.