Vic nabanggit sa teaser ng The Rapists of Pepsi Paloma, trending agad-agad
VIRAL ang trailer ng pelikulang “The Rapists of Pepsi Paloma” na ipinost ni Direk Darryl Yap sa kanyang Facebook account kagabi, Miyerkules.
Pinanood namin ang trailer kung saan galit na galit na tinatanong ni Direk Gina Alajar ang youngstar na si Rhed Bustamante na siyang gaganap bilang si Pepsi Paloma.
Dialogue ni Gina, “Ipaliwanag mo sa akin, magsabi ka sa akin ipaliwanag mo dahil hindi ko naiintindihan! Pepsi sumagot ka! Ni-rape ka ba ni Vic Sotto?”
Pasigaw namang sumagot si Rhed bilang si Pepsi ng, “OO!”
Baka Bet Mo: ‘The Rapists of Pepsi Paloma’ next movie ni Darryl Yap, sino ang bida?
Malaking iskandalo ito noong kasikatan ni Pepsi Paloma kaya’t nagsampa siya ng kasong rape laban kay Vic Sotto at sa iba pa nitong kasama noong Agosto 17, 1982.
Edad 42 pa lamang ang aktor-TV host habang ang namayapang aktres ay edad 16 nang maganap ang umano’y panggagahasa.
Pero ilang taon ang lumipas ay inurong ni Pepsi ang demanda laban kay Vic at sa iba pang kasama niya bagay na ipinagtaka ng marami.
May mga kuwento noon na kaya iniurong ni Pepsi ang kaso ay dahil tinakot at pinapirma siya ng kasulatan bagay na ginawa niya dahil sa takot.
At pagkalipas ng tatlong taon, taong 1985 ay natagpuan na siyang patay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili sa kanyang inuupahang apartment.
Ang sinasabing gang rape kay Pepsi ay nangyari sa Sulu Hotel sa Quezon City pero hindi raw ito totoo at ipapakita ito sa pelikula ni Direk Darryl ngayong 2025.
Trulili kaya na maraming tumawag kay Direk Darryl para sabihing ‘wag gawin ang pelikula? Na mga kilalang personalidad sa showbiz at sa politika?
Pero dahil kilala naman ang kontrobersyal na direktor, siguradong gagawin pa rin nito ang gusto niya kaya itinuloy niyang i-shoot ang pelikula at natapos na nga ito.
Bukod kina Rhed at Gina, kasama rin sa pelikula sina Mon Confiado sa papel na Rey dela Cruz na manager noon ng sexy star, theater actor Andresa Balano, Jr. sa karakter na Richie ‘D Horsie at Shamaine Buencamino as Lydia Duena Whitley, ina ni Pepsi.
Nakilala si Rhed sa horror movies na “Seklusyon” (2016), “Maria Leonora Teresa” (2014), at “Sunod” (2019).
May tanong lang ang netizens, ano ang dahilan at binuhay ni Direk Darryl ang isyung matagal nang nakabaon? Sadya bang itinaon niya ito ngayong malapit na ang eleksyon?
Ayon sa ilang kaibigan ng direktor ay walang kinalaman ang pelikula sa eleksyon dahil hindi ito tungkol doon.
“Dream project ni Direk ‘Da ang istorya ni Pepsi kasi pareho silang taga-Olongapo,” say ng kaibigan ng direktor.
Anyway, bukas ang BANDERA sa magiging reaksyon ni Vic Sotto o ng sinuman sa kampo ng TV host tungkol sa pagkakabanggit sa pangalan niya sa teaser ng naturang biopic.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.