Kristel nais nang matapos ang isyu, ibinunyag na muntik magkagulo sa ‘Seo In Guk’ fan meet
TINULDUKAN na ng aktres at content creator na si Kristel Fulgar ang isyu kaugnay sa kanyang hosting gig sana sa naganap na fan meeting ng Korean idol na si Seo In Guk sa bansa.
Kung maaalala, naging usap-usapan si Kristel matapos siyang biglang palitan bilang host bago mag-umpisa ang show.
Ang humalili sa kanya ay ang former “Pinoy Big Brother” season 10 celebrity housemate na si Karen Bordador.
Nauna nang ipinaliwanag ni Kristel na hindi nagustuhan ng Korean technical director ang kanyang naging energy sa rehearsal kaya hindi siya natuloy sa pagho-hosting sa nasabing event.
Inamin din naman ng aktres na okay na siya, pero tila hindi pa rin siya tinitigal ng ilang bashers at haters.
Dahil diyan, muling nag-post ng video ang content creator upang linawin ang ilan sa mga nangyari backstage at hiniling pa na mag-move on na sana sa isyu.
Sey niya, “Hindi na talaga ako magto-talk about this matter kasi okay naman ako.”
“Aminado ako na hindi ko strand ang hosting. So bakit ako kinuha? Actually nagulat din ako ‘nung inoffer sakin ‘to tapos inannounce pa ako na ako ang magho-host,” kwento niya habang ipinapakita ang kanyang poster sa fan meet at sinabing pina-repost pa sa kanya ito.
Nilinaw rin ni Kristel na nais lang talaga niyang makakuha ng VIP ticket ‘nung nalaman niyang magkakaroon ng fan meet ang Korean idol.
“Tapos same day ng selling ng tickets, doon sinabi sa akin na magho-host ako,” pagbubunyag niya.
Patuloy niya, “Hindi ako agad nag-yes. Ayoko ‘nung una kasi alam ko naman ‘yung kapasidad ko. Zero experience pa ako sa hosting. Alam ko na super challenging ‘yun sakin.”
Pero ayon kay Kristel, kaya lang siya nag-yes dahil nakakuha siya ng full-support mula sa admins ng Seo In Guk fans club.
Patuloy na kwento ng aktres, “5 a.m. ako gumising. Call time ko is 7 a.m. Nag-start ‘yung rehearsal 8:30 a.m. tapos naka-tatlong rehearsals.
“Sa tatlong rehearsals na ‘yun, wala man lang nagsabi sakin na, ‘uy kulang ka sa energy, uy baka naman pwede ka mag-exert o ibigay ‘yung best mo.’ Walang ganun.”
“Nagulat nalang ako ‘nung pangatlong stage rehearsal with Seo In Guk. Pinatawag ako sa tech booth para sabihin sakin na papalitan na nga ako. Nagulat ako, pero umokay agad ako kasi parang at the top of my mind, makakanood ako ng performance ni Seo In Guk,” chika niya.
Nabanggit pa ni Kristel na hindi pumayag ang Pinoy director at organizers ng event na palitan siya, pero tila gumawa na ng eksena ang Korean technical director.
“Nagmamatigas ‘yung Filipino director and ‘yung organizer na huwag akong palitan doon sa Korean technical director. Pero nakita ko talaga kung gaano siya nanindigan na palitan ako at sabi pa niya, ‘kung hindi ako papalitan, ako ang aalis.’ So shokot ang ante niyo! Ayoko nang mag-cause ng gulo kasi nakikita ko na lahat na-stress na,” paglalahad ni Kristel sa nangyari.
Para maiwasan nalang daw ang gulo ay nagpaubaya nalang si Kristel kahit alam niyang magiging kahihiyan niya ito.
“‘Yung interpreter nga niya hindi na malaman kung paano niya ma-interpret ng in a nicer way ‘yung sinasabi ‘nung Korean director na ‘yun e. So ako, ‘okay na, tama na, I’ll give way.’ Wag lang magkagulo or huwag lang ma-delay, magbibigay nalang ako ng statement,” sey niya.
“Sa 20 years na existence ko sa entertainment industry, ngayon lang ako nagbigay ng statement na ganun para sa public. Alam ko kahihiyan ‘yung pagdadaanan ko pagkatapos ‘nun, pero sige na. Kung ‘yung sinasabi ng Korean director na para sa ikagaganda ng show, sige na,” aniya pa.
Sa huli, nilinaw ni Kristel na hindi siya masyadong apektado sa nangyari dahil alam naman niya sa sarili niya na wala pa siyang karanasan pagdating sa hosting.
“Madali ko siyang natanggap kasi alam ko naman na hindi ko forte ang hosting. Kung siguro pinalitan ako sa acting, sa role na ganito or sa singing, doon medyo ma-hurt ako. Pero ‘yung sa hosting, hindi siya ganung ka-big deal para sa akin,” saad niya.
Mensahe pa niya, “So sa mga nagwo-worry sa akin, okay na okay po ako. At doon naman sa mga ginagawa pa ring isyu ‘to tigilan na natin, mag-move on na tayo. May mga nangyari na hindi maganda pero tingnan nalang natin ‘yung brighter side.”
Related Chika:
Kristel Fulgar naka-videocall ang Korean idol na si Seo In-Guk: Ang tagal kong hinintay ‘yun!
Kristel Fulgar ibinandera ang bagong gawang bahay: Nakikita ko na ‘yung mga bagay na naipundar ko
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.