Titulo ni Herlene Budol ‘generic’, walang obligasyon sa anumang international beauty pageant – Miss Grand PH organizer
NAGLABAS ng paglilinaw ang ALV Pageant Circle ng talent manager at negosyanteng si Arnold Vegafria, organizer ng Miss Grand Philippines pageant, kaugnay ng national title na iginawad kay Herlene Nicole Budol.
Ito’y sa gitna ng mga ispekulasyong babandera sa 2023 Miss Tourism World ang bida ng seryeng “Magandang Dilag.”
“Our Miss Philippines Tourism title is a generic title with no contractual obligation to any international pageant,” sinabi ng ALV Pageant Circle sa isang pahayag na inilabas sa social media ngayong Hulyo 19, isang araw makaraang ilabas ng Inquirer ang ulat na hindi si Budol ang opisyal na kinatawan ng bansa sa Miss Tourism World pageant ngayong taon.
View this post on Instagram
Ang Hiyas ng Pilipinas pageant ang lehitimong may hawak ng prangkisa ng Miss Tourism World sa bansa, ani Mike Sordilla, chairman ng pambansang patimpalak, sa isang nuanang panayam ng Inquirer. Inilabas din sa Facebook page nila ang kopya ng mga lisensya para sa naturang pandaigdigang patimpalak, maging ang para sa Miss Omninational at Miss Summit International.
“It has never been our intention to instigate any conflict of interest with our fellow pageant organizers [who] we regard with mutual respect,” sinabi ng ALV Pageant Circle.
Sa kanilang depensa, ni minsan hindi naman binanggit sa anumang pampublikong pagtitipon ng Miss Grand Philippines pageant, kabilang ang coronation show na itinanghal sa SM Mall of Asia Arena in Pasay City noong Hulyo 13, na lalaban sa isang international pageant ang hihiranging Miss Philippines Tourism.
Baka Bet Mo: Organizer sa Singapore magtatanghal ng national pageant sa Pilipinas
Tila nag-ugat ang pagkalito ng mga tagasubaybay sa pangyayaring tinanggap ni Budol ang titulo niya mula kay 2022 Miss World Philippines-Tourism Justine Felizarta, na naging first runner-up sa huling edisyon ng Miss Tourism World.
“While we acknowledge the achievement of [Felizarta]…we would like to clarify that we have since ceased from using the Miss Tourism World Philippines title,” sinabi ng ALV Pageant Circle.
View this post on Instagram
Sinabi ng organisasyon na hindi pa ito naglalabas ng “any official confirmation regarding [Budol’s] participation in the Miss Tourism World pageant.” Idinagdag pa na dahil generic ang titulo, “our choice of global pageant may vary year after year, depending on the deals and visions of the organization.”
Kinoronahang Miss Philippines Tourism si Glyssa Perez sa 2019 Miss World Philippines pageant, at ito rin ang koronang nasungkit ni Trisha Martinez sa pambansang patimpalak noong 2021. Hindi sumabak sa anumang pandaigdigang patimpalak ang dalawang dating reyna. Ngunit sinabi ng ALV Pageant Circle na maaari nang makamit ni Budol ang inaasam na pagrampa abroad, sa wakas.
“We are excited to announce that Miss Philippines Tourism 2023 will be competing in a different international tourism pageant, which we will announce very soon,” sinabi ng organisasyon.
Maaalalang makaraang hiranging first runner-up si Budol sa 2022 Binibining Pilipinas pageant, ipinadala siya ng manager niya sa Uganda para sa Miss Planet International pageant. Ngunit nasadlak sa napakaraming problema ng pandaigdigang patimpalak, kaya nagsipag-atrasan ang maraming kandidata, kabilang ang komedyante.
Vice nangumpisal: Hindi ko talaga bet agad si Ion, wala kaming spark!
Jane de Leon um-attitude raw sa isang event, organizer nagsalita na
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.