Organizer sa Singapore magtatanghal ng national pageant sa Pilipinas
ISANG bagong national pageant para sa mga Pilipina ang isasagawa ng Lumiere International Pageantry, isang organizer sa Singapore na nagtatanghal din ng iba’t ibang pandaigdigang patimpalak para sa “Mrs.” at “Miss.”
Ibinahagi ng organizer na si Justina Quek ang balita sa Inquirer sa isang online interview. Tatawaging “Mrs. Philippines Asia Pacific Beauty Pageant” ang bagong patimpalak, kung saan limang Pilipinang reyna ang kokoronahan at lalaban sa Mrs. Asia Pacific contest niya sa Singapore.
“Due to conflict of interest, my ex-national director will not be moving to the international pageant,” aniya, dinagdag na lilipad siya sa Maynila ngayong buwan upang magsagawa ng screening ng mga aplikante para sa bagong national pageant.
Upang tulungan siya sa screening, sasamahan si Quek nina 2019 Mrs. Singapore Global Universe Ronalyn Tingcang Tay at 2019 Mrs. Singapore Worldwide first runner-up Mary Ann Carlson.
Sasalubingin din ang Singaporean organizer ng ilan sa mga Pilipinang nagwagi sa international pageants niya—sina 2019 Mrs. Asia Pacific Global Avon Morales, 2022 Mrs. Asia Pacific Special Queen Ambassador Monalisa Salenga, 2022 Mrs. Worldwide Special Queen Ambassador Sarima Paglas, at reigning Mrs. Asia Pacific All Nations Louise Suzanne Alba-Lopez—na tutulong din sa screening.
“Mrs. Philippines Asia Pacific Beauty Pageant aims to empower [Filipino] women to improve their self-esteem, confidence, as well as support charity [projects] in the Philippines,” ibinahagi ni Quek.
Bukas ang patimpalak sa Filipino citizens na may asawa, single, diborsiyada, o biyuda na mula 21 hanggang 48 taong gulang. Isasagawa ang auditions sa Glass Meeting Room 8 ng Okada Manila sa Parañaque City sa Marso 18, at dapat dumating ang mga aplikante bago sumapit ang alas-2 ng hapon.
Limang titulo ang igagawad sa national pageant—ang Mrs. Philippines Asia Pacific Global, Mrs. Philippines Asia Pacific All Nations, Mrs. Philippines Asia Pacific Cosmopolitan, Mrs. Philippines Asia Pacific Intercontinental, at Mrs. Philippines Asia Pacific Tourism.
Sasagutin na ng Lumiere International Pageantry ang license fees ng lahat ng makokoranahan sa Mrs. Philippines Asia Pacific contest para sa pagsali nila sa Mrs. Asia Pacific pageant, ani Quek.
Related Chika:
Beteranang beauties sasabak sa unang Miss Rotary pageant
Miss Grand PH pageant tumatanggap na ng mga aplikante para sa finals sa Marso
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.