Vice Ganda may kinikimkim bang galit sa TV5 dahil sa pagbabu ng ‘Showtime’ kapalit ng bagong programa ng TVJ?
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Vice Ganda, Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon
MAY galit nga ba ang Phenomenal Box-Office Star na si Vice Ganda at ang iba pang host ng “It’s Showtime” sa “Eat Bulaga” sa TV5?
Isa iyan sa mga maintrigang tanong na sinagot ni Vice sa bago niyang vlog sa YouTube na may kaugnayan nga sa pagbababu ng kanilang noontime program sa Kapatid Network sa katapusan ng buwan.
Natapos na ang kontrata ng ABS-CBN at TV5 para sa pagpapalabas ng “It’s Showtime” sa Kapatid Network at ang papalit nga sa naturang timeslot ay ang bagong programa ng iconic trio na sina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon kasama ang iba pang legit Dabarkads.
Sa YouTube vlog ni Vice, natanong siya ng kanyang kausap ni Vice (hindi ipinakita sa video) kung may kinikimkim ba siyang galit sa TV5 dahil sa nangyari.
“Ay wala. Wala akong galit sa TV5. Nalungkot ako sa naging desisyon ng TV5 kasi siyempre hindi pabor sa amin ‘yon eh,” simulang tugon ng TV host-comedian.
Aniya pa, “Siyempre sa buhay naman, mas masaya tayo kapag ang mga nangyayari eh pabor sa atin, pero, hindi sa lahat ng pagkakataon, eh magiging pabor sa ‘yo ang oras, ang pangyayari, ang mga desisyon.
“May mga pagkakataong may mapapaborang iba. Masakit man, malungkot man sa damdamin pero kailangan mong tanggapin ‘yon at kailangan mong irespeto ‘yon,” ang pagpapakatotoong paliwanag ni Vice.
Dagdag pa niyang chika, “Masaktan man kami, nasaktan man ako, nalungkot man ako, hindi puwedeng mawala sa amin ‘yong pasasalamat sa TV5.
“Ang laki ng itinulong nila sa amin ha, kaya nga excited kami noong nakapasok kami sa TV5, 12:45 yata ‘yon, masayang-masaya kami, kita mo naman ‘yong opening namin,” sabi pa ng komedyante.
Esplika pa ni Vice Ganda, “Hindi kami puwedeng magalit sa kanila kasi napasaya nila kami eh, minsan sa buhay namin, tinulungan nila kami.
“Minsan sa buhay namin nakaramdam kami ng pagdiriwang at kasiyahan dahil sa tulong nila. And that will forever be one great reasons to be grateful to them. Maraming-maraming salamat sa TV5,” mensahe pa ni Vice sa Kapatid Station.
Kung wala nang magiging problema at pagbabago, mapapanood na simula sa July 1 ang “It’s Showtime” sa GTV na pag-aari ng GMA 7.
Kaya naman pwedeng-pwede na ring tawaging Kapuso sina Vice, Vhong Navarro, Anne Curtis, Karylle, Jhong Hilario at iba pang hosts ng “Showtime”.