Vic ibinuking na pinatatanggal ng TAPE ang ‘Bawal Judgmental’ segment ng ‘Eat Bulaga’, Joey umiyak habang ipinagtatanggol ang ‘legit Dabarkads’
NAPAKASAKIT ng pag-iyak ng Henyo Master na si Joey de Leon habang nagpapaliwanag kung bakit nila ipinaglaban ang mga “Legit Dabarkads” mula sa TAPE Incorporated, ang producer ng “Eat Bulaga“.
Ibinahagi ni Joey sa naganap na mediacon ng paglipat nila nina Tito Sotto at Joey de Leon sa TV5 kung gaano siya ka-proud sa mga original co-hosts ng longest-running noontime show sa buong mundo.
Talagang napahagulgol ang veteran comedian at TV host nang mapag-usapan kung bakit ipinaglaban ng TVJ sina Wally Bayola, Paolo Ballesteros, Allan K, Jose Manalo, Maine Mendoza, Ryan Agoncillo at Ryzza Mae Dizon.
View this post on Instagram
Ayon kay Joey, bilib na bilib siya sa mga legit Dabarkads, lalo na kapag nagho-host na ang mga ito sa segment nilang “Bawal Judgmental.”
Alam daw niya na ito ang pinakamahirap at pinakasensitibong segment ng “Eat Bulaga” pero naitatawid nga ito araw-araw ng grupo ng JoWaPao, kasama sina Ryan, Maine at Allan K.
“Meron kaming isang portion sa show, ‘yung tinatawag naming ‘Bawal Judgmental’. Napakahirap pong portion na ‘yon, sensitibo po ‘yon,” pahayag ni Joey.
Dugtong pa niya, “Si Maine, si Ryan, lahat po sila, ang gagaling po nilang magtanong.
“Hangang-hanga po kami sa grupong ‘to, tulad nina Jose, mga komedyante pero ‘pag nagtanong po sila sa tao parang ‘wow’, hindi mo maiisip mo na dapat ganu’n kadisente ‘yung tanong mo,” ang tuluy-tuloy na sabi ni Joey habang walang tigil ang pag-iyak at paghikbi.
Sabi pa ng komedyante, hindi dumadaan sa mga writer nila ang mga itinatanong ng kanilang mga co-hosts sa nasabing segment. Talaga raw nag-uusap-usap ang mga ito sa bawat topic ng “Bawal Judgmental.”
View this post on Instagram
“Ang mga pinag-uusapan diyan mga pinagdaraanan ng maraming tao, kung sinu-sino ang maraming anak. Ang mga tanong du’n hindi basta tanong lang, may AIDS, sexuality. Kailangan mo talagang mag-ingat kasi baka makasakit ka ng damdamin.
“Pero lahat po sila ang gagaling, hindi po yan pini-feed ng mga writer, paminsan-minsan pag may nakakalimutan, sinusulat tapos ipakikita sa kanila. Kaya hangang-hanga po kami sa grupong ito,” sabi pa ni Joey.
Pero hirit na biro niya nang mapatingin kay Ryzza Mae, “Ito naman po, ipinaglaban namin kasi sayang, e…sayang ang ganda.” Na sinundan ng tawanan at palakpakan ng mga Dabarkads at ng press people.
Sumingit naman si Bossing Vic pagkatapos magsalita ni Joey, “Kaya po naiiyak si Joey, seriously, ay gustong tanggalin ‘yung portion ng bagong management.”
Kim muntik nang manirahan sa Canada dahil sa mga judgmental: Yung tingin nila sa akin, ang bobo ko
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.