Kim muntik nang manirahan sa Canada dahil sa mga judgmental: Yung tingin nila sa akin, ang bobo ko
Kim Chiu
AMINADO ang Kapamilya actress at TV host na si Kim Chiu na napakarami rin niyang kinatakutan at nilabanang pagsubok noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Buko sa natakot talaga siyang lumabas ng bahay noon dahil baka tamaan at mahawa ng killer virus, grabe rin ang naramdaman niyang stress at pag-aalala dahil sa kontrobersyal at viral na reaksyon niya tungkol sa pagpapasara ng kongreso sa ABS-CBN.
Matindi ang inabot na pamba-bash sa dalaga nang dahil lamang sa kanyang “bawal lumabas” statement na naging sanhi rin kung bakit siya tinawag na Meme Queen noong mga panahong yun.
“Marami talaga akong kinatatakutan. Una, asthmatic po ako, so naging todo workout po ako nu’ng mga panahon na yon. Kasi pag mahina yung lungs mo parang kakainin ka talaga.
“So, nag-workout talaga ako araw-araw at hindi puwedeng hindi ako mag-work out kasi tatamaan ako.
“Parang yun yung ikinakatakot ko and at the same time nu’ng nagsimula yung ‘bawal lumabas issue’ natatakot din po ako sa mga tao.
“Umabot din po ako sa mga ganu’ng punto ng buhay na yung tingin nila sa akin, eh, parang ang bobo ko, ang tanga-tanga ko,” pahayag ni Kim sa nakaraang face-to-face presscon ng bago niyang horror movie, ang “Huwag Kang Lalabas”.
Isa itong trilogy movie na entry ng Cinema Obra sa 2021 Metro Manila Film Festival na mapapanood na simula sa Dec. 25.
“Wala naman akong ginawa, nagtanggol lang naman ako. So, parang iba yung tingin nila sa akin so natakot ako. Mga dalawang buwan yata akong hindi lumabas ng bahay.
“Naisip ko rin na, ‘Ah, sa Canada na lang ako para wala ng judgmental dito.’ Pupuntahan ko na lang sana yung kapatid ko doon. Umabot na sa ganu’n.
“Parang ang daming fears na sumasailalim sa bawal lumabas yung pandemic, yung judgmental people. Pero at the end of the day nalagpasan ko silang lahat. At heto ako, nagpo-promote ng movie,” ang super proud na pahayag ni Kim tungkol sa mga pinagdaanang hamon sa buhay.
View this post on Instagram
At in fairness nga, unti-unting nakabangon at nakabawi si Kim sa mga kinasangkutang kontrobersya. Paano niya ito napagtagumpayan?
“Wala. Hinahayaan ko na lang sila. Iniisip ko na lang hindi ko sila kilala. Yun ang lamang ko sa kanila, sila kilala nila ako, so kung magsalita ka ng masama sa akin hindi kita kilala. Hindi naman tayo rubbing elbows, so hindi yon magma-matter sa akin,” katwiran ng girlfriend ni Xian Lim.
Samantala, natanong din ang aktres kung nape-pressure na siya kapag tinatawag siyang “Horror Princess” at sumusunod nga sa yapak ni Kris Aquino bilang “Horror Queen.”
“Hindi naman po ako nagpapadala sa pressure. Ang gusto ko lang naman pong gawin ay umarte kaya ginawa ko itong movie. Kasi isa yon talaga sa mga passion ko. Nagpapasalamat na lang din ako na binigyan nila ako ng ganung title, pero iba naman yung title sa passion,” chika ng dalaga.
Bukod sa leading man niyang si Jameson Blake, kasama rin cast ng “Huwag Kang Lalabas” sina Elizabeth Oropesa, Beauty Gonzalez, James Blanco, Joaquin Domagoso at Aiko Melendez, sa direksyon ni Adolf Alix, Jr..
https://bandera.inquirer.net/283503/kim-niregaluhan-ni-xian-ng-ootd-na-pang-motor-para-raw-ready-ako-umangkas-sa-kanyahttps://bandera.inquirer.net/300755/kim-super-proud-sa-pinagdaanang-pagsubok-my-gosh-naka-frame-na-po-lahat-ng-mga-balita-chos
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.