Bagyo posibleng pumasok ng bansa sa mga susunod na araw, ‘tag-ulan’ malapit na –PAGASA
POSIBLENG magkaroon ng bagyo sa ating bansa sa mga susunod na araw.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), posible kasing pumasok sa ating teritoryo ang binabantayan nilang bagyo na nasa labas ng Mindanao.
Babala pa ng PAGASA, posible itong lalo pang lumakas at maging isang “typhoon.”
“Isang ganap na po na bagyo o Tropical Depression ang Low Pressure Area sa labas ng Philippine Area of Responsibility,” sey ni Weather Specialist Benison Estareja sa naganap na press briefing ngayong May 20.
Dagadag pa niya, “As of 3 in the morning, nasa 2,510 kilometers ito sa silangan ng Mindanao. Nakapaloob ito sa Inter-tropical Convergence Zone at sa ngayon po, mahinang bagyo ito at inaasahan na lalakas sa mga susunod na araw.”
“Hindi natin inaalis ‘yung possibility na ito ay magiging typhoon o super typhoon,” ani pa niya.
Baka Bet Mo: PAGASA: 10 hanggang 14 na bagyo ang aasahan sa bansa ngayong taon
Ayon sa weather forecaster, sakaling pumasok na sa ating bansa ang bagyo, ito ay papangalanang “Betty” o ‘yung pangalawang bagyo ngayong taon.
Nilinaw naman ng weather bureau na ang mga pag-ulan sa bansa natin ngayon ay hindi dahil sa bagyo, kundi ito ay dulot ng Inter-tropical Convergence Zone (ITCZ).
Asahan ang kalat-kalat na pag-ulan sa Western Visayas, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, BARMM, at Palawan.
May panaka-nakang pag-ulan din sa Metro Manila at sa nalalabing bahagi ng bansa nang dahil din sa ITCZ.
Ayon sa PAGASA, ang panahon ng tag-ulan ay posibleng mag-umpisa sa mga huling araw ng Mayo o kaya naman sa unang linggo ng Hunyo.
“Sa mga nagtatanong diyan kung posibleng magsimula ang tag-ulan anytime? Ang sagot po natin diyan ay posible itong magsimula sometime sa mga huling araw po ng Mayo,” sambit ni Estareja.
Aniya pa, “So maaaring later next week hanggang sa mga unang araw ng Hunyo.”
Read more:
PAGASA: Heat index sa 13 na lugar umabot na sa ‘danger’ level
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.