13 todas sa bagyo; Central Luzon hinambalos
UMABOT sa 13 katao ang nasawi nang hagupitin ng bagyong Santi ang Central Luzon Biyernes ng gabi hanggang kahapon ng umaga.
Tatlo katao ang nasawi sa Nueva Ecija nang tamaan ng nagbagsakang puno noong kasagsagan ng bagyo, sabi ni Josefina Timoteo, direktor ng Office of Civil Defense-3, sa ulat na ipinamahagi sa media.
Nakilala ang tatlo bilang sina Irish Balingit, 16, ng Brgy. Marawa, Jaen; Florida Rigier, 76, at Janell Yuduc, 7, kapwa ng Brgy. Pesa, Bongabon.
Sa Tarlac, nasawi ang magkapatid na Raymond, 7, at Rachele Samson, 8, nang mabagsakan ng puno ang kanilang bahay sa Brgy. Murcia, Concepcion, ala-1 ng umaga kahapon, sabi ni Senior Supt. Alfred Corpuz, direktor ng provincial police, nang kapanayamin sa telepono.
‘Massive devastation’
Matinding pinsala ang dinulot ng bagyo sa Tarlac, lalawigan ni Pangulong Aquino, ayon sa opisyal. “Maraming properties at saka agri products na nasira. Ang daming bahay na winasak dito sa Tarlac.
We were hit hard. We were really hit, talagang massive ’yung devastation,” sabi ni Corpuz sa BANDERA. Dumaranas pa ng “blackout” ang buong lalawigan kahapon, habang ang suplay ng tubig sa ilang bahagi ay natigil dahil napinsala ang transmission lines.
Ilang kalsada sa lalawigan, kabilang ang nag-uugnay sa Hacienda Luisita at Subic-Clark-Tarlac Expressway, ang di pa madaanan kahapon dahil sa nagbagsakang puno, sabi naman ni Nigel Lontoc, assistant director ng OCD-3.
45K ektarya ngpalay nasalanta
Inulat ng Department of Agriculture-Central Luzon na may 45,000 ektarya ng palay ang di pa naaani bago nanalanta ang bagyo. Di pa mabatid kung ilan sa mga ito ang naligtas at nasira, ani Lontoc.
Sa Pampanga, apat katao, kabilang ang isang pulis, ang nasawi sa iba-ibang insidente noong kasagsagan ng bagyo.
Namatay si PO1 Cresencio Bueno, ng Regional Public Safety Battalion, nang tamaan ng landslide ang patrol base ng kanyang team sa Brgy. Ayala, Magalang, alas-12 ng hatinggabi, ayon kay Lontoc.
Nasawi si Ricardo del Rosario, 81, ng Brgy. Mawaque, matapos mabagsakan ng pader ng Don Bosco Academy sa Mabalacat. Isang Michael Parungao ang namatay nang makuryente habang inaalis ang isang bumagsak na puno sa Brgy. Lourdes, Candaba.
Nasawi naman si Francisco Serrano, ng Brgy. Sta. Teresa II, Lubao, nang atakihin sa puso noong kasagsagan ng bagyo, ani Lontoc.
Alas 8 kagabi, iniulat na nasawi rin sa bagyo sina Teresita Manabat, 30, ng San Miguel, Bulacan nang gumuho ang kanilang bahay. Patay din si Carlos Pacheco, 56, ng Iba, Zambales, nang mabagsakan ng puno.
Patay naman sa lunod sina Roberto Santos, 78, at alias Kring Kring, kapwa ng San Miguel, Bulacan.
8,300 lumikas
Sa Central Luzon lang, mahigit 1,500 pamilya o mahigit 8,300 katao ang lumikas dahil sa bagyo, ayon sa ulat ni Timoteo.
Kabilang sa mga ito ang mahigit 4,600 katao na isinailalim sa “pre-emptive evacuation” noong Biyernes sa Sta. Cruz at Masinloc, Zambales, at walong bayan ng Aurora bago sumalpok sa kalupaan ang bagyo, ani Lontoc.
May na-monitor ding evacuees sa San Miguel, Bulacan, kung saan 17 barangay ang nalubog sa malalim na baha.
Lampas-tao baha
Dalawa sa mga naturang barangay, ang Camias at Salakot, ay dumanas ng “lampas-tao” na baha kaya sumugod ang mga volunteer at sundalo doon para tumulong sa paglikas, ani Lontoc.
Nagpakawala aniya ng tubig ang Ipo at Bustos dams noong Biyernes bilang paghahanda sa malakas na ulan alas-4 ng umaga kahapon.
]Sa Isabela, inilikas ng mga awtoridad ang 232 pamilya sa Brgy. Degumased, Dinapigue, at Brgy. Fely, Maconacon, ayon naman kay Senior Supt. Sotero Ramos, direktor ng provincial police.
Walumpu’t-tatlong pamilya naman ang inilikas sa Tanay at Binangonan ng Rizal, at Cuenca, Batangas, dahil sa mga epekto ng bagyo, ayon kay Vicente Tomazar, direktor ng Office of Civil Defense-4A.
Nagsagawa rin ng pre-emptive evacuation sa mga baybayin ng Pitogo, Quezon, bago naman ang bagyo, aniya. Dumanas ng blackout ang Infanta at Polilio, Quezon, dahil sa malalakas na hangin, ayon kay Tomazar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.