Dalawang Pinay babandera sa contest sa India | Bandera

Dalawang Pinay babandera sa contest sa India

Armin P. Adina - April 06, 2023 - 05:02 PM

Si Shyrla Nuñez (kaliwa) ang kinatawan ng Pilipinas sa 2023 Miss Supermodel Worldwide contest, habang UAE naman ang ibabandera ni Aileen Santiago./ARMIN P. ADINA

HINIRANG si Shyrla Nuñez bilang kinatawan ng Pilipinas para sa 2023 Miss Supermodel Worldwide pageant nang itanghal siya bilang Miss Supermodel Philippines sa isang pambansang patimpalak noong nagdaang buwan.

Ngayon, sasabak na rin sa naturang pandaigdigang patimpalak ang first runner-up niyang si Aileen Santiago.

Tumulak na pa-India ngayong Abril 6 ang dalawang Pilipina para sa pandaigdigang patimpalak, kasama pa ang isang kababayan, si Alexandra Mae Rosales, ang reigning Miss Supermodel Worldwide at unang reyna mula sa Pilipinas.

Ngunit kung Pilipinas ang bibitbitin ni Nuñez sa international modeling pageant, United Arab Emirates naman ang ibabandera ni Santiago sa patimpalak sa India. Sinabi ni Sam Sapo mula sa Philippine national organization na nagpasya si UAE national director Laura Quizon na kuhanin si Santiago bilang kandidata niya sa pandaigdigang patimpalak.

Dinaig ni Nuñez, isang dentista mula Caloocan City, ang 14 iba pang kalahok para sa pambansang titulo sa patimpalak na itinanghal sa Pandanggo-Polkabal Hall ng Manila Hotel sa Maynila noong Marso 6. Tinanggap din niya ang mga parangal bilang Best in Filipiniana at Miss Congeniality, at isa siya sa tatlong “Print Supermodels.”

Reigning Miss Supermodel Worldwide Alexandra Mae Rosales mula sa Pilipinas/ARMIN P. ADINA

Isa rin si Nuñez sa tatlong kandidatang pinili ng mga kawani ng midya bilang “Press Supermodels,” kasama sina Santiago at second runner-up Querubin Gonzalez mula Marinduque.

Hinirang naman si Santiago, ang kinatawan ng Cabanatuan, bilang “Face of Velvet Media” dahil sa pagtatapos sa ikalawang puwesto. Nanguna rin siya sa dalawang major segments at itinanghal bilang “Body Supermodel” at “Beauty Supermodel.”

Tinanggap din niya ang mga parangal bilang “Charity Supermodel” at “Popularity Supermodel,” at isa sa limang kandidatang pinili bilang “Faces of Aurea Aesthetic and Wellness.”

Naunang sinabi ni May Evelyn Maghirang sa isang panayam ng Inquirer na naghahanap sila ng isang “strong follow up” kay Rosales na maaaring makapagbigay sa Pilipinas ng ikalawang sunod na panalo sa Miss Supermodel Worldwide.

Isang pageant veteran si Rosales na first runner-up sa 2015 Miss Southeast Asia Ambassadress contest, at kandidata ng 2021 Binibining Pilipinas pageant.

Siya ang naging unang Pilipinang nakasungkit sa korona bilang Miss Supermodel Worldwide sa edisyon ng pandaigdigang patimpalak noong 2022 na itinanghal noong Oktubre.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Nakatakda siyang magkorona ng bagong reyna sa Abril 15. Ngunit kahit tila napaikli ng pagrereyna ni Rosales, tatagal pa rin nang dalawang taon ang kontrata niya sa international organization.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending