Bumbero paiinitin ang entablado ng Mrs. Universe pageant
PAIINITIN ni Veronica Yu, isang dating fire chief mula Quezon City, ang entablado ng Mrs. Universe pageant sa kaniyang maalab na pagtatanghal bilang kinatawan ng Pilipinas.
Pumapatay na ng sunog ang 41-taong-gulang na ina ng dalawang anak mula nang maging isang volunteer firefighter sa gulang na 19 taon. “Konti lang kaming babe noon,” ibinahagi niya sa isang press conference sa Okada Manila sa Parañaque City bago tumulak pa-Sofia, Bulgaria, kung saan isinasagawa ang pandaigdigang patimpalak.
Sa nasabing trabaho, nakilala niya ang naging asawa niyang si Johnnie Yu, na kapwa niya volunteer firefighter noon. Ngayon, buo ang suporta ng asawa sa anumang adhikain ng beauty queen.
Sinabi ni Mrs. Universe Philippines National Director Charo Laude na alam na niya ang mga pagtulong na ginagawa ni Yu bago pa man siya sumalang sa national pageant nitong Oktubre.
“Iba iyong ngayon lang may advocacy at activities. Siya dati na, one of the points kaya siya nanalo,” ibinahagi ni Laude, ang singer-actress na nakapasok sa semifinals ng pandaigdigang patimpalak noong 2019.
Bilang isang Rotarian, nakapunta na rin si Yu sa India upang tumulong sa pagbabakuna kontra polio, at mag-donate ng mga palikuran. At dahil naging disaster officer sa Maynila ang asawa niya, nakibahagi na rin siya sa ilang disaster operations. Nagsagawa na rin ang mag-asawa ng mga relief mission para sa mga tinamaan ng kalamidad sa mga lalawigan sa Luzon.
Sinabi ng beauty queen na magiging mahirap ang pagsabak sa isang pandaigdigang patimpalak sapagkat lahat naman pinaghandaan ito. Ngunit panatag siyang makakayanan niya ang hirap dahil nakabuo siya ng tapang mula sa ilang taong paglilingkod bilang bumbero.
Itinuturing na edisyon para sa 2022 ang patimpalak ngayon sa Sofia, Bulgaria. Nauna itong iniskedyul nitong Disyembre sa Seoul, South Korea, ngunit dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay napilitan ang international organization na ilipat ito sa tahanang bansa ng Mrs. Universe.
Mahigit 100 kinatawan mula sa iba’t ibang bansa ang kasali, kabilang ang limang iba pang kandidata mula sa Mrs. Universe Philippines Foundation—sina Gines Angeles, Lady Chatterly Alvaro-Sumbeling, Jeanie Jarina, Virginia Evangelista, at Michelle Solinap.
Limang Pilipina na ang nakatanggap ng parangal sa preliminary event noong Peb. 3 (Peb. 4 sa Maynila). Hinirang si Yu bilang Mrs. Elegance, habang Mrs. Glamorous naman si Angeles. Itinanghal si Sumbeling bilang Mrs. Fabulous, habang Mrs. Aesthetic si Jarina. Mrs. Silver Heart naman si Evangelista.
Itatanghal ang coronation night ng 2022 Mrs. Universe pageant sa National Palace of Culture (NDK) sa Sofia sa Peb. 4 (Peb. 5 sa Maynila).
Related Chika:
Sundalo makikipagbakbakan sa entablado ng Mrs. Universe pageant
6 reyna kokoronahan sa Mrs. Universe Philippines pageant
Bb. Pilipinas candidates todo na ang paghahanda sa kanilang pagbabalik
Beatrice Gomez kakaririn ang pagkuha ng master’s degree, gusto ring subukan ang pagho-host
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.