Sundalo makikipagbakbakan sa entablado ng Mrs. Universe pageant
ILANG beauty queens na ang nakapag-asawa ng mga sundalo, habang ilang maybahay naman ang sumabak sa pageantry makaraang makabuo ng pamilya katuwang ang mga opisyal ng militar. Ngunit ngayon isa mismong kasapi ng Sandatahang Lakas ang sasabak sa isang digmaan para sa korona.
Isa nang lieutenant commander ng Philippine Navy si Lady Chatterly Alvaro-Sumbeling, na naglilingkod sa Presidential Security Group (PSG) ilang administrasyon na ang dumaan, nang bumungad ang pagkakataong lumaban sa Mrs. Universe Philippines noong isang taon. Sa hanay ng malalakas na kababaihan, isa siya sa mga nakoronahan.
At ngayon, tatangkaing lipulin ng 40-taong-gulang na ina ng tatlong anak, at maybahay ng isang opisyal ng Philippine Army, ang entablado ng Mrs. Universe pageant sa Sofia, Bulgaria, kasama ang limang iba pang kalahok mula Pilipinas na inilalaban din ng national pageant organization niya.
Kumukuha na si Sumbeling ng mass communication sa University of the Philippines sa Baguio City nang kumatok ang Philippine Military Academy (PMA) noong 2001. Sinunggaban niya ang pagkakataong makapag-aral sa institusyon, isang pasyang bumago sa buhay niya. Pinarangalan siya habang naglilingkod sa administrasyon ng yumaong Pangulong Benigno Aquino III, at umangat pa sa loob ng PSG.
Kaya makaraang umalagwa sa isang mundong pinananaigan ng kalalakihan, isang bagong bihis ang iniladlad niya sa pagsabak niya sa pageantry. Ngunit hindi niya ito ipinagsasaalang-alang. Kung nakatanggap siya ng elite training sa PMA bilang paghahanda sa buhay-sundalo, ngayon nasa likod niya ang isang international beauty titleholder upang magsanay para sa international pageant.
Pinangungunahan ni Alexandra Faith Garcia, ang una at nag-iisang Pilipinang nakasungkit sa korona bilang Miss Aura International, ang paghahanda ni Sumbeling, mula sa pagrampa, hanggang sa pagsagot, at sa pagtindig sa entablado.
Malaking tulong ang makakakuha ng payo mula sa isang global beauty queen para sa sundalo sa pagnanais niyang umangat sa isang patimpalak na may mahigit 100 kalahok mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Nakabuti na rin ang pagkakaantala ng 2022 Mrs. Universe pageant na naunang itinakda nitong Disyembre sa Seoul, South Korea, kaya humaba pa ang panahon in Sumbeling upang makapagsanay.
Dahil sa hindi inaasahang pangyayari sa Korea, nagpasya ang organizer na Mrs. Universe Ltd. na ibalik ang patimpalak sa tahanang bansa nito, at itatanghal na ang coronation night sa National Palace of Culture (NDK) sa Sofia sa Peb. 4 (Peb. 5 sa Maynila).
Kasama ni Sumbeling sa pandaigdigang patimpalak ang mga kapwa reyna ng Mrs. Universe Philippines pageant na sina Veronica Yu, Gines Angeles, Jeanie Jarina, Virginia Evangelista, at Michelle Solinap. Pinamumunuan ang pambansang organisasyon ng singer-actress na si Charo Laude, na semifinalist sa 2019 Mrs. Universe pageant.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.