6 reyna kokoronahan sa Mrs. Universe Philippines pageant
IPINAKILALA ng Mrs. Universe Philippines Foundation ang 20 kandidata na maglalaban-laban ngayong taon na naghahangad makarampa sa international stage upang makapag-uwi ng global crown.
At hindi lang isa, kundi anim na ginang ang mabibigyan ng pagkakataon na maipamalas ang kanilang galing sa international pageant.
Sinabi ng national organization sa Inquirer na anim na national crowns ang igagawad sa finals—ang Mrs. Universe Philippines FDN-Continental Asia, Mrs. Universe Philippines FDN-Pacific Continental, Mrs. Universe Philippines FDN-West Pacific Asia, Mrs. Universe Philippines FDN-Northeast Asia, Mrs. Universe Philippines FDN-North Pacific Asia, at ang pangunahing titulong Mrs. Universe Philippines.
Hihirangin ang anim sa pagtatapos ng coronation night sa grand ballroom ng Okada Manila sa Parañaque City sa Okt. 2. At lahat sila lilipad sa South Korea para sa Mrs. Universe Ltd. pageant sa Disyembre kung saan mahigit 100 kalahok ang inaasahang makikipagtagisan.
Ang Bulgaria-based na Mrs. Universe Ltd. na tinatag noong 2007 ang magsasagawa ng patimpalak sa South Korea. Iba pa ito sa isang contest na may katulad na pangalan, ang Mrs. Universe (Official) pageant, na mula naman sa isang organizer sa Australia at magtatanghal ng una nilang pageant sa Disyembre rin.
Maliban sa anim na major crowns na igagawad sa mga kinatawan ng bansa sa South Korea, magbibigay din ang national pageant ng minor titles—ang Mrs. Universe Philippines FDN-Luzon, Mrs. Universe Philippines FDN-Visayas, and Mrs. Universe Philippines FDN-Mindanao.
May tatlong runner-up pang hihirangin, maliban sa anim na major winners at tatlong minor titleholders.
Tinipon ng singer-entrepreneur na si Maria Charo Calalo, Mrs. Universe Philippines FDN national director at siya ring Mrs. Universe Philippines titleholder ng 2019/2020, sa Simon’s Place Supreme Restobar sa Quezon City noong Set. 25 ang 20 kandidata sa patimpalak ngayong taon para sa kanilang orientation at contract signing.
Sumabak na rin ang mga ginang sa kanilang national costume photoshoot sa Okada Manila noong Set. 26, sa ilalim ni Ryan Aguas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.