Krizzle Luna matagumpay ang ‘spine operation’ matapos ang car accident, patuloy pa ring nagpapalakas
NAGING matagumpay ang operasyon sa spine ng TikTok content creator na si Dr. Krizzle Luna o mas kilalang “Doc Luna.”
Sa bagong update na ibinandera ng TikToker nitong January 24 sa isang Facebook video ay ikinuwento ni Krizzle na naiayos na ang tumabingi niyang spine sa may leeg.
“Una po sa lahat, pasensya na kasi hindi po ako nakapag-update nitong mga nakaraang dalawang araw at magandang balita naman po, naging successful naman po ang operasyon ni Doc Luna,” sey niya sa bagong uploaded video.
Aniya, “na-align naman po ang aking spine. Mahaba-habang rehab pa po. Hindi ko pa masyadong nagi-grip ang kamay ko at wala pa pong motor function, hindi ko pa po nagagalaw ang paa ko.”
Pinasalamatan niya rin ang lahat ng mga nagdasal sa kanyang paggaling, pati na rin sa mga doktor at nurse na tumutulong sa kanya.
Saad ng TikToker, “Gusto ko po magpasalamat sa mga prayer warriors, sa buong healthcare team na tumulong sakin, sa lahat ng doctor ko, nurses at lahat ng bumubuo ng healthcare team na tumulong sakin. Maraming, maraming salamat po.”
Bukod diyan ay ibinalita niya na maaga na niyang sinimulan ang kanyang rehabilitation upang mabilis siyang maka-recover.
Gaya sa nauna niyang sinabi, mga kamay lang niya ang kanyang nagagalaw sa ngayon.
Chika ni Doc Luna, “Isang good news na rin po, nasimulan ko na po yung first day ng rehab ko, the earlier kasi, the better para mapaaga ‘yung improvement natin.”
Sa bandang huli ng video ay pinag-ingat pa niya ang publiko tungkol sa isang “scam” na nanghihingi umano ng pera para sa kanyang paggaling.
Paglilinaw ni Krizzle, hindi siya ito at tanging mga dasal lang ang kanyang kailangan.
“Gusto ko lang din po pala ipaalala sa lahat ng nanonood ng video na ito na kung may nanghihingi ng pinansyal na tulong sa inyo, hindi po ako ‘yun,” sabi ng content creator.
Patuloy pa niya, “Ang hinihiling lang po ay iyong mga dasal. Prayers lang po sapat na po sakin ‘yun at sa panahon na po nito ay wag na po sana nating kakalimutang magdasal parati, mag-ingat at wag natin kakalimutan na sabihin sa mga mahal natin sa buhay kung gaano natin sila kamahal dahil hindi natin alam kung hanggang kailan ang buhay.”
“Muli, maraming salamat po. Mag-update pa rin po ako sa progress ko. Sana pagbalik po ni Doc Luna, andyan pa rin po kayo,” aniya.
Kung maaalala noong January 20 ay ikinuwento mismo ni Doc Luna habang siya ay naka-confine sa ospital na nasangkot siya sa isang car accident.
Sinabi niya na nawalan ng preno ang nasalubong nilang sasakyan at lubhang tinamaan ang parte ng kanyang leeg na bahagi rin ng kanyang spine o ‘yung tinatawag na “C6 vertebra.”
“Nagkaroon po ng vehicular accident na nawalan po ng preno ‘yung nakasalubong naming sasakyan pero grabe si Lord. Kahit na naapektuhan ‘yung C6 ko, ayan coherent pa rin tayo,” kwento ng content creator.
Related chika:
Krizzle Luna naaksidente, ‘di pa makagalaw dahil tinamaan ang ‘spine’
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.