Celeste Cortesi may mga kapwa ‘beterana’ sa 71st Miss Universe pageant
KAPAG nagtipon-tipon na ang mga kandidata ng Miss Universe pageant para sa orientation na naka-iskedyul sa Enero 6, may makikitang isang pamilyar na muka ang kinatawan ng Pilipinas na si Celeste Cortesi, si Telma Madeira mula Portugal.
Kapwa sumali ang dalawa sa 2018 Miss Earth pageant na itinanghal sa Pilipinas, at kung saan sila kapwa nagtapos sa Top 8. Isa pang alumna ng Miss Earth si Fernanda Rodriguez mula Costa Rica na sumali naman noong 2017.
Ngunit hindi lang silang tatlo ang mga may karanasan sa pandaigdigang patimpalak mula sa hanay ng mga kandidata ng Miss Universe pageant. Tatlong kandidata pa ang lumahok na sa Miss Supranational pageant, sina 2022 Top 12 finalist Alexandrine Belle mula Mauritius, 2021 top 12 finalist Swelia Antonio mula Angola, at 2019 Top 10 finalist Ngyuenthi Ngocchau mula Vietnam.
Tatlong kandidata rin ang sumali na sa Miss Grand International pageant, sina 2017 Top 20 semifinalist Leah Ashmore mula Paraguay, 2020 second runner-up Ivana Batchelor mula Guatemala, at kandidata noong 2021 na si Kristina Ayanian mula Armenia.
Dalawang alumnae ng Miss World ang kasali rin, sina 2019 Top 40 quarterfinalist Tya Jane Ramey mula Trinidad and Tobago at 2018 Top 12 finalist Solaris Barba mula Panama. Samantala, nagtapos naman sa Top 20 ng Miss Eco International pageant si Barbara Cabrera mula Argentina.
Nakasali naman sa dalawang pandaigdigang patimpalak si Toshi Choden mula Bhutan bago lumahok sa Miss Universe pageant. Miss Congeniality siya sa 2018 Miss Asia contest at nasa Top 15 ng 2019 Miss Supermodel Worldwide competition.
Dati pang ginagawa ng napakarami nang mga kandidata ang pagtalon-talon sa mga pandaigdigang patimpalak, kabilang ang mga nagwaging Miss Universe na sina Catriona Gray, Andrea Meza, Mpule Kwelagobe, at Angela Visser na lahat sumali muna sa Miss World pageant.
Bago naging ika-apat na Miss Universe ng Pilipinas si Gray noong 2018, nagtapos siya sa Top 5 ng 2016 Miss World pageant. Pumangalawa naman kay 2017 Miss World Manushi Chhillar ng India si Meza bago naging ikatlong Miss Universe ng Mexico noong 2020.
Walang puwesto sa 1997 Miss World pageant si Kwelagobe bago naging unang Miss Universe ng Botswana noong 1999. Gayundin si Visser na sumabak muna sa karibal na patimpalak noong 1988 bago naging Miss Universe noong 1989.
Hinirang namang Miss Intercontinental noong 1997 si Lara Dutta bago naging pangalawang Miss Universe ng India noong 2000.
Itatanghal ang coronation show ng ika-71 Miss Universe pageant, ang itinuturing na edisyon para sa 2022, sa New Orleans Morial Convention Center sa New Orleans, Louisiana, sa Estados Unidos sa Enero 14 (Enero 15 sa Maynila). Walumpu’t limang kandidata ang magtatagisan para sa titulong kasalukuyang taglay ni Harnaaz Sandhu, ang ikatlong reyna mula India.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.