Queen of Hearts International Pageantry inilunsad
NAGPAPADALA ang Queen of Hearts Foundation ng mga kinatawan ng Pilipinas sa iba’t bang patimpalak para sa mga kategoryang Miss at Mrs. ngunit ngayon, magtatanghal na ito ng sarili nitong pandaigdigang paligsahan para sa mga ginang, maybahay, at single mothers.
Sinabi ni Mitzie Go-Gil, founder at pangulo ng foundation, na tatawaging Queen of Hearts International Pageantry ang bagong pandaigdigang patimpalak, at hinayag niya ito sa Christmas party na ipinatawag niya para sa mga reyna niya at ilang kawani ng midya sa Dusit D2 sa Bonifacio Global City sa Taguig City noong Dis. 17.
Isusulong ng pandaigdigang patipalak ang adbokasiya ng foundation na women empowerment, at magsasagawa ng charity missions upang alalayan ang mga hikahos na kabataan.
“This is the first international pageant owned by the Queen of Hearts Foundation, and we are already open for franchising. As of the moment, 22 countries have confirmed that they will send representatives,” ibinahagi ni Go-Gil.
Sinabi niyang nakuha niya ang kumpirmasyon ng mga kinatawan ng iba’t ibang estado sa Estados Unidos sa pag-iikot niya doon kamakailan. May mga kumpirmadong kalahok na rin mula Malaysia at Singapore. Tutulak din siya sa London, England, upang makahanap ng mga kandidata mula sa United Kingdom.
At dahil walong titulo ang igagawad sa pandaigdigang patimpalak, maaaring makapagpadala ng hanggang walong kinatawan ang isang bansa. “Some countries would want to send only two candidates, some three, others five,” ibinahagi ni Go-Gil.
Igagawad ng Queen of Hearts International Pageantry ang mga sumusunod na titulo—Mrs. Queen of Hearts Universe, Mrs. Queen of Hearts International, Mrs. Queen of Hearts World, Mrs. Queen of Hearts Global Tourism, Mrs. Queen of Hearts Earth, Mrs. Queen of Hearts Asia Pacific, Mrs. Queen of Hearts Western Pacific, at Mrs. Queen of Hearts Southeast Asia.
Itatanghal ng foundation ang taunan nitong pambansang patimpalak na Mrs. Queen of Hearts Philippines sa Abril, kung saan pipiliin ang walong Pilipinang sasabak sa pandaigdigang entablado.
Sa Mayo naman itatanghal ang unang edisyon ng Queen of Hearts International Pageantry, sa Pilipinas. Isang linggong mananatili sa bansa ang mga kalahok, na inaasahang makikiisa sa charity missions, na magsisilbi ring pamamasyal upang maisulong ang tourist destinations ng bansa.
Sinabi ni Go-Gil na itatanghal ang patimpalak sa 2024 sa bansa kung saan nagmula ang magwawagi sa pandaigdigang patimpalak sa 2023.
Isa rin siyang international titleholder, kinoronahan bilang Mrs. Asia Pacific Tourism noong 2018. Nagmula rin sa foundation niya sina 2019 Mrs. Asia Pacific Global Avon Morales, 2019 Mrs. Worldwide second runner-up Llena Tan, at 2022 Mrs. Asia Pacific All Nations Louise Suzanna Alba-Lopez.
Related Chika:
Tourism Ambassador Universe pageantry sa Malaysia inusog sa Hulyo
Bagong training camp tinatag dahil sa lumalaking male pageant industry
Bb. Pilipinas Globe Chelsea Fernandez: ‘Back-to-back is hard, but not impossible’
Vietnam wagi sa Miss Intercontinental; Bb. Pilipinas Gabrielle Basiano nasa Top 20
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.