Palitan ng korona sa Mrs. Queen of Hearts PH
Ilang buwan pa lang makaraang hirangin ang mga reyna nito noong Oktubre 2020, nagkapalitan na ng mga korona sa Mrs. Queen of Hearts Philippines pageant.
Napanatili nina Louise Suzanne Alba-Lopez at Darling Topacio-Edralin ang mga korona nila bilang Mrs. Philippines Asia Pacific-Global at Mrs. Philippines Asia Pacific-All Nations. Ngunit may tatlo silang bagong makakasama sa “Team Philippines” para sa pagsabak nila sa Singapore kalaunan.
Unang ginawad kay Joana Krisanta La Madrid ang korona bilang Mrs. Philippines Asia Pacific-Tourism, na isinalin ngayon kay Rosenda Casaje, na nauna nang kumatawan sa Pilipinas sa 2020 Mrs. Global Universe pageant.
Kabilang si Casaje sa mga kalahok sa 2020 Mrs. Queen of Hearts Philippines pageant, ngunit napili na siyang lumaban sa ibayong-dagat bago pa man ang finals sapagkat kapos na sa panahon. Tinanggap niya ang parangal na “Mrs. Empowerment Woman,” at pumasok sa Top 10 ng ikalawang edisyon ng Mrs. Global Universe contest noong Marso 2020, bago sinailalim ang ilang bahagi ng bansa sa lockdown dahil sa Covid-19 pandemic, at naunsyami ang lokal na patimpalak.
Nang hirangin bialng Mrs. Queen of Hearts Tourism at Mrs. Queen of Hearts Philippines sina Ivy Diana Manzon-Bo at Catherine Jordas Flores, wala silang sasalihang international pageant. Ngunit ngayon, kabilang na sila sa mga pambato ng bansa sa Mrs. Asia Pacific pageant sa Singapore.
Napunta kay Bo ang korona bilang Mrs. Philippines Asia Pacific-Intercontinental mula kay Ma. Glovel Tasico, habang naipasa kay Flores ang titulo bilang Mrs. Philippines Asia Pacific-Cosmopolitan mula kay Sarima Paglas.
Sinabi ni Queen of Hearts Foundation CEO Mitzie Go-Gil na nauna niyang itinakda ang paghahayag sa mga bagong titulo sa isang press conference, ngunit nauna nang ipinakilala ng Mrs. Asia Pacific pageant ang mga kalahok mula sa Pilipinas.
Sinabi niya sa Inquirer sa isang panayam online na magkakaroon ng mga bagong titulo sina La Madrid, Tasico, at Paglas, maging si 2020 Mrs. Philippines Worldwide Annette Mendoza. “I will hold a press conference to make another announcement,” aniya.
Isa ring international beauty queen si Go-Gil, na hinirang bilang Mrs. Asia Pacific-Tourism sa Singapore noong 2018.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.