Balasahan ng korona sa Mrs. Queen of Hearts PH | Bandera

Balasahan ng korona sa Mrs. Queen of Hearts PH

Armin P. Adina - February 18, 2021 - 06:32 PM

Si Ma. Glovel Tasico na ang kinatawan ng Pilipinas sa Mrs. Global Universe pageant./FACEBOOK PHOTO

NAGLABAS nitong nakaraang buwan ang Mrs. Queen of Hearts Philippines pageant ng pahayag na naglalahad ng isang bagong pangkat na kakatawan sa Pilipinas sa Mrs. Asia Pacific pageant.

Dito, isinalin sa mga bagong reyna ang ilang titulong iginawad sa mga nagwagi sa patimpalak noong Oktubre.

Sa isa namang Facebook post kinumpirma na ang mga bagong titulong mapupunta sa mga nagsalin ng kani-kanilang mga korona.

Mrs. Philippines Global Universe na ngayon si Ma. Glovel Tasico, na hinirang bilang Mrs. Philippines Asia Pacific-Intercontinental nitong Oktubre. Siya na ang magiging tanging kinatawan ng Pilipinas sa Mrs. Global Universe pageant sa Singapore sa Setyembre.

Napunta ang dati niyang titulo kay Ivy Diana Manzon-Bo, na naunang hinirang bilang Mrs. Queen of Hearts Tourism, isang titulong walang kaakibat na laban sa ibayong-dagat.

Iwawagayway ni Joanna Krisanta La Madrid ang watawat ng Pilipinas sa Mrs. Worldwide contest./FACEBOOK PHOTO

Kakatawan sa Pilipinas sa Mrs. Worldwide pageant sa Singapore sa Agosto si Joana Krisanta La Madrid, na isinalin ang titulo bilang Mrs. Philippines Asia Pacific-Tourism kay Rosenda Casaje.

Nagtapos si Casaje sa Top 10 at tinanggap ang parangal na “Mrs. Empowerment Woman” sa 2020 Mrs. Global Universe. Ngayon, may panibago siyang pagkakataon na makasungkit ng korona sa ibayong-dagat.

Hinirang na Mrs. Philippines Asia Pacific-Cosmopolitan si Sarima Paglas noong Oktubre, ngunit sasamahan na niya ngayon si La Madrid sa Mrs. Worldwide pageant bilang kinatawan ng Timog-Silangang Asya.

Buong Timog-Silangang Asya ang kakatawanin ni Sarima Paglas sa Mrs. Worldwide competition./FACEBOOK PHOTO

Napunta naman ang dating korona ni Paglas kay Mrs. Queen of Hearts Philippines Catherine Jordas Flores.

Ngunit bago sumabak sa pageant sina Tasico, La Madrid at Paglas, mauuna munang makipagtagisan ang mga kinatawan ng Pilipinas sa Mrs. Asia Pacific pageant sa Singapore sa Mayo.

Kasama nina Manzon-Bo, Casaje, at Flores sina Mrs. Philippines Asia Pacific-Global Louise Suzanne Alba-Lopez at Mrs. Philippines Asia Pacific-All Nations Darling Topacio-Edralin, na napanatili ang mga titulong napanalunan nila noong Oktubre.

Kinumpirma ni Mrs. Queen of Hearts Foundation CEO Mitzie Go-Gil ang iskedyul ng mga international pageant sa isang panayam ng Inquirer.

“Good luck to all of you. We’ll pray for you to win the pageants, bring home the crowns, and make every Filipino proud. This is a once in a lifetime opportunity, so you have to do your best,” sinabi pa niya.

Ngunit paano naman si Annette Mendoza, na ang titulo bilang Mrs. Philippines Worldwide ay napunta na kay La Madrid?

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Tiniyak ni Go-Gil na may bago na siyang titulo para kay Mendoza, at “I will make a public announcement later.”

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending