2 patay kay ‘Maymay’; 2 LPA, 1 pang bagyo binabantayan ng PAGASA
DALAWA ang patay sa Cagayan province dahil sa pananalasa ni bagyong Maymay nitong mga nakaraang araw.
Kinilala ang mga nasawi na sina Marcial Pugal mula sa bayan ng Buguey at si Richard Mangrubang mula naman sa bayan ng Santa Ana.
Ayon sa ulat ng pulisya, mga mangingisda ang mga natagpuang patay at pareho silang nalunod sa dagat dulot ng malakas na alon.
Samantala, ayon sa press briefing ng PAGASA kaninang 5:00 a.m. ay tuluyan nang humina at naging isang low pressure area na si bagyong “Maymay” kaninang alas-dos ng madaling araw.
Sabi ni PAGASA weather forecaster Benison Estareja, “Patuloy na humina itong tropical depression Maymay into a low pressure area habang patuloy nating mino-monitor ang iba pang weather disturbances sa paligid ng ating bansa.”
Base pa sa rain forecast ng weather bureau ay bagamat humina na bilang LPA ang bagyo, nagpapaulan pa rin ito sa maraming lugar ng Luzon.
“Sa ngayon po, itong low pressure area plus the shearline ang nagpapaulan pa ring po dito sa malaking bahagi ng Luzon, and even sa Northern Luzon at Aurora base na rin po sa ating latest satellite animation,” ayon sa PAGASA.
Dagdag pa nila, “So ang pag-uulan natin ngayong araw, mostly in the morning at pagsapit ng hapon ay bahagyang hihina na ‘yung pag-ulan dito sa Northern Luzon, and by tomorrow bahagyang mag-improve ang weather.”
Inaasahang malulusaw ang nasabing LPA ngayong araw.
Bukod sa LPA o dating bagyong Maymay ay may isa pang LPA na mino-monitor ang ahensya.
Namataan naman ito malapit sa Palawan at posibleng maging bagyo sa loob ng dalawang araw.
Ayon pa kay Estareja, “So asahan na magiging bagyo ito somewhere dito sa may South China Sea sa labas ng ating bansa.”
At wait there’s more mga ka-bandera dahil nagbabala rin ang PAGASA na may nagbabadyang pumasok na isa pang bagyo sa bansa.
Huling namataan ang “tropical depression” sa silangan ng Extreme Northern Luzon.
May lakas itong hangin na 45 km/h malapit sa gitna at bugsong aabot sa 55 km/h.
Ayon sa forecast track nito ay posible itong pumasok sa ating area of responsibility ngayong araw.
Ayon sa report ni Estareja kaninang umaga, “Pwedeng pumasok either ngayong umaga o tanghali, at baka sakali po ay papangalanan natin itong bagyo na si ‘Neneng’ o ‘yung pang labing-apat na bagyo ngayong 2022, pangalawa naman ngayong October.”
Posible rin daw itong lalong lumakas at maging isang “typhoon.”
“Hindi natin inaalis ‘yung possibility na makaroon ng rapid intensification at posible ngang maging either severe tropical storm or typhoon, bago ito tumama somewhere malapit sa may extreme northern Luzon,” sabi ng forecaster.
Sa kabuuan, may dalawang low pressure area sa loob ng ating bansa at isang bagyo na posible namang pumasok ngayong araw.
Stay dry at stay safe mga ka-bandera!
Read more:
Ruru Madrid binabagyo ng blessings; bongga na ang career, swerte pa sa lovelife
Jodi Sta. Maria walang kanegahan sa katawan kaya binabagyo ng swerte
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.