Tangkang pangho-hostage kay Leila de Lima sa Camp Crame parang eksena sa pelikula; 3 nag-amok na suspek patay
PARANG eksena sa isang maaksyong teleserye at pelikula ang nangyaring pangho-hostage sa dating senador na si Leila de Lima sa loob ng Custodial Center ng Philippine National Police sa Camp Crame kaninang umaga.
Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay trending pa rin sa Twitter Philippines ang panawagan na “#FreeLeilaNow” matapos malagay sa panganib ang buhay ni De Lima.
Ligtas namang nasagip ang dating mambabatas mula sa hostage taker na kinilalang si Feliciano Sulayao na kalauna’y napatay ng mga rumespondeng pulis.
Ayon kay PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., tumagal ng kalahating oras ang madugong insidente na nagresulta nga sa pagkasawi ni Sulayao at ng dalawa pang persons under police custody.
Kinilala ang mga ito na sina Arnel Cabintoy at Idang Susukan na sinasabing kasama ni Sulayao na nagpasimuno ng gulo sa loob ng PNP Custodial Center.
Sabi ni Azurin, nagkataon lamang daw na si De Lima ang pinagtangkaang i-hostage ng suspek.
Base sa ulat ng PNP, bago naganap ang hostage taking, may nangyari nang gulo sa Custodial Center dakong 6:30 a.m.. nang ihatid ang almusal ng mga persons under police custody sa maximum compound.
Kasunod nito, bigla na lang daw dinakma at pinagsasaksak nina Cabintoy, Susukan at Sulayao si Police Corporal Roger Agustin. Rumesponde naman agad ang duty tower guard na si Patrolman Lorenz Matias at pinagbabaril ang mga suspek.
Dito na raw nakatakbo si Sulayao hanggang sa makapasok sa maximum compound na kinaroroonan ni De Lima at tinangka ngang i-hostage ang dating senadora.
Hindi naman nag-aksaya ng panahon ang mga miyembro ng Special Action Forces at gumwa agad ng paraan para mailigtas si De Lima. Agad na sumailalim sa medical check-up ang nakakulong na senador.
Matatandaang nakulong si De Lima matapos akusahang sangkot umano sa illegal drug trafficking at limang taon na ngayong nakakulong sa PNP Custodial Center.
https://bandera.inquirer.net/306597/sharon-cuneta-kay-sen-leila-de-lima-we-need-you-more-out-here
https://bandera.inquirer.net/282765/doktor-nangangamba-na-na-mild-stroke-si-de-lima https://bandera.inquirer.net/283671/duterte-pinuna-ni-de-lima-sa-pagmaliit-sa-2016-hague-victory-ng-pilipinas https://bandera.inquirer.net/312579/karen-davila-takot-ka-sa-presidente-o-sa-boss-mo-pero-hindi-ka-takot-sa-diyosDisclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.